UP Sirkulo ng mga Kabataang Artista

From Iskomunidad

Tao. Teatro. Pagbabago.

Tao, teatro, pagbabago ang mga adhikaing sinusulong ng UP SIKAT (Sirkulo ng mga Kabataang Artista), ang pinakabagong grupong panteatro sa Unibersidad ng Pilipinas at tanging performing arts organization ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP), na binuo upang mailapit ang teatro sa mas nakararaming mga tao. Binuo noong 2003, ang UP SIKAT ay naging tapat sa kaniyang layunin sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga gawaing panteatro gaya ng pagtatanghal at pagbibigay ng mga workshops at seminars at iba pang mga gawaing makatutulong sa paglinang ng mga kakayahan ng bawat indibidwal sa larangan ng sining ng pagtatanghal. Kasama ang UP SIKAT sa pagsusulong ng isang progresibo, multi-perspektibong aktibismo sa pamamagitan ng paglahok sa mga isyung kinakaharap ng ating kapwa kamag-aral.

Sa UP SIKAT ang bawa’t isa ay mahalaga. Higit sa isang samahan, ang UP SIKAT ay isang pamilya. Dito, SIKAT ka!


Ilang Tala sa Kasaysayan ng UP SIKAT

Sa kursong Tao, Panitikan at Lipunan – sa ilalim ng premyadong manunulat na si Domingo Landicho – nabuo ang ideyang magtatag ng bagong samahan para sa pagtatanghal. Itinaguyod nina Pats Alcantara, Arjay Arellano, Ghie Claridad at Kharen dela Rosa ang pagbubuo ng samahang ito na pinangalanan bilang UP Sirkulo ng mga Kabataang Artista o UP SIKAT noong taong 2002. Sa taong ito, sa pamumuno ni Arjay Arellano, naganap ang makasaysayang pulong ng mga unang miyembro ng samahan – noong ika-12 ng Pebrero, 2003 sa Café Diliman, NISMED.

Pormal na kinilala ang UP SIKAT bilang isang samahan noong ika-4 ng Hulyo, 2003. Sa pamumuno ni Pats Alcantara at Jeff Agustin, na nagsilbing unang pangulo at pangalawang pangulo ng samahan, ipinakilala rin ang UP SIKAT sa buong Pamantasan sa pamamagitan ng mga pagtatanghal sa iba’t ibang programa. Sa buwan ng Agosto ng taong iyon, inilunsad ang “SHINE! The SIKAT Launch Month” na pinasinayaan ng isang pagtatanghal sa KAFE Katipunan, ang “SIKAT UNMASKED!” noong ika-1 ng Agosto, 2003. Mula sa mga pagsisikap na ito, nakilala at lumawak ang kasapian ng samahan.

Sa pagnanais na makilahok sa mas malawak na usapin sa Pamantasan at Bayan, sa taong din ito umanib ang UP SIKAT sa ALYANSA ng mga Mag-aaral para sa Panlipunang Katuwiran at Kaunlaran (ALYANSA). Makasaysayan ang taong ito sapagkat ito ang naging pinakamatagumpay na taon ng pormasyon, dala ng pagkakapanalo nito sa University Student Council (USC). Patunay sa aktibong pakikilahok ng UP SIKAT ang pag-prodyus nito ng mga lider-estudyante sa USC at pati narin sa CSSP Student Council.

Sa ikalawang taon ng UP SIKAT sa ilalim ni Jeff Agustin, kinakitaan ang UP SIKAT ng malaking potensyal bilang pinakabagong performing arts organization sa Unibersidad. Pormal na kinilala ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP) ang UP SIKAT bilang ang tangi nitong grupong panteatro. Sa pangalawang taon nito, pinatunayan ng UP SIKAT ang kaya nitong gawin, base sa naging mga aktibidad nito. Sa pagsisimula ng taong akademikong 2004-2005, naging aktibo kaagad ang UP SIKAT sa mga aktibidad sa Kolehiyo. Nakipagtulungan ito sa CSSP Student Council sa paglulunsad ng BIDA TAYO!, o ang taunang programa para sa mga bagong Isko at Iska sa Kolehiyo. Bilang katuwang sa usaping mapanlikha, tumulong din ang UP SIKAT sa KAPPistahan – ang malakihang konsyerto ng konseho para sa CSSP.

Magmula noon, naging aktibo ang kolaborasyon ng UP SIKAT sa CSSP Student Council. Naging kaagapay ng ating konseho ang samahan sa mga inilunsad nitong mga aktibidad. Kasama ang UP SIKAT sa mga programa tulad ng KAPPaskuhan at Pasiklaban. Aktibo ring lumahok ang samahan sa Pahinungod sa CSSP. Kasali rin ang UP SIKAT sa mga aktibidad ng mga departamento sa Kolehiyo. Malaki rin ang naging ambag ng UP SIKAT sa ginanap na Lantern Parade; kasali ito sa mga nag-disenyo at gumawa ng lantern ng Kolehiyo. Nakiisa rin ang samahan sa naging kampanya sa tambayan ng CSSPSC.

Patuloy na tutuparin ng UP SIKAT ang layunin nitong mailapit ang isang teatrong maka-Pilipino sa mas nakararami. Sa mga darating na taon, inaasahan na ang Sirkulo ng mga Kabataang Artista ay mas sisikat pa.

Officers

Members

Activities

Announcements

See Also

UP SIKAT Online
Facebook page