Dalit sa Kabundukan
DALIT SA KABUNDUKAN (ni Leonardo Co)
At narito’ng isang bundok: mandi’y tapat sa pangalan,
Matikas at matayog, naghahamon sa kalangitan;
Ang suson niyang mga tuktok, hanay-hanay ang salansan
Waring sa ‘ki’y tumatawag: kapatid ko at kaibigan!
Balikat niya’y tinapik ko at binati ng may sigla:
Sa ‘ki’y ano ang nagpadpad upang kita ay magkita?
Hayaan mong ang iyong gulod, mga tuktok, isa-isa
Ay mabigyan ko ng ngalan at bilang na tanging kanya.
Waring ako’y itinuring na malaong kaibigan
Ngayo’t muling nagkaniig salubong niya’y anong ringal:
Pinatugtog yaong hangin, nag-alpombra’ng damong ligaw
Wari‘y alak namang hain ang tubig sa kanyang bukal.
Sa iyo kayang katayugang kahit sino’y humahanga
Papa’no ko ihahambing ang diwa ko’t maging tapang?
Sa hamon mong binabadya at lakas mong mapangmangha
Ako kaya’y di alangang matawag mong kasamahan?
O mabunying kalupaan! Nasaan pa ang iyong dangal
Kung bundok mo’y mababa at ilog mo’y matutumal?
Taglay ko ay isang pusong tuwi-tuwina’y nag-aasam
Sa dantay ng kalinga mo at init sa iyong himlay.
Taluktok mo’y kadalasang tinatakpan ng alapaap,
Talampas mo’y yuta’t angaw ang tanawing nakalahad,
Humuhugong, sumisipol ang taglay mong mga gubat,
Habang doon sa ibayo’y naglalaro ang iyong ulap.
Kabundukan, kabundukan, sa akin nga ay ituran
Kung ilan ang iyong bangin, taluktok mong ‘pagyayabang;
Kung ilan ang higante mong mga bato, puno’t baging
Kung ilan ang saluysoy mo’t mga sapang gumagapang.
Pumipintig yaring puso habang kita’y minamasdan
Sumusulak yaring dugo sa pagdama ng iyong damdam
Kabundukan, larawan ka ng mahal na Inang Bayan
Asahan mong namumundok ang bantay mo kahit saan!
Leonard
-12 Abril 1978
Lungsod ng Baguio,
Matapos bumaba ng
Mt. Pulog
(thanks to Arthur Ellson of the UP Mountaineers for sharing this piece from Leonardo Co)