ANG PAGLALAKBAY PATUNGO SA PAGPAPATAWAD ISANG PERSPEKTIBONG DEBELOPMENTAL TERESITA TABBADA RUNGDUIN
PhD. Psychology (Mayo 2011)
Department of Psychology
ABSTRAK
Nilayon ng pag-aaral na ito na matugunan ang direksyon ng pananaliksik na iminungkahi sa mga pag-aaral na galugarin ang mga isyu, proseso, at ang kahihinatnan ng pagpapatawad sa pananaw ng mga tao sa iba't ibang yugto ng kanilang buhay. Binubuo ang pag-aaral na ito na mga buhay-salaysay (life narratives) ng dalawampu't pitong (27) tao na ninais ding ibahagi ang tinahak nilang landas upang sa huli ay magpatawad ayon sa pananaw at pakahulugan nila sa konsepto at damdaming kaakibat nito. Sinuri sa pag-aaral na ito ang proseso ng pagpapatawad sa iba't ibang antas ng debelopment sa pamamagitan ng mga buhay-salaysay ng mga kalahok. Ang mga kalahok ay nanggaling sa iba't ibang antas ng pamumuhay at pinag-aralan.
Ginamit ang cross sectional developmental design at grounded theory approach sa pagkuha at pagsuri ng mga buhay salaysay na inaayon sa life narratives model ni McAdans (2006). Sumailalim sa apat na pagtitining ang mga salaysay, ang unang pagtitining ay pagsasaayos ng buhay-salaysay, ang ikalawang pagtitining ay ang line-by-line coding at frequency word count, ang ikatlong pagtitinig ay ang pagsusuri ng salaysay ayon sa kabuuan nito at pagkuha ng tema mula sa mga salaysay, at ang ikaapat ay pagbuo ng herarkiya ng mga tema gamit ang axial coding.
Lumabas sa mga buhay-salaysay ng mga nasa middle childhood na nagiging sanhi ng kanilang alitan ang pag-aagawan ng atensyon at kaibigan. Humahantong ito sa pisikal na pananakit at pagpapalitan ng masasamang salita; ngunit sa tulong ng mga taong nakapaligid sa kanila, sila ay nagagabayan upang makipagbati sa kanilang nakaalitan. Naipapakita ang pakikipagbati sa pamamagitan ng pagsasabi ng 'sorry' at pagkilos tulad ng pagyakap at paghalik. Sa mga nasa adolescence, sanhi ng alitan ang paglabag sa tiwala sa pagitan ng magkakaibigan at paghahanap ng kalinga ng magulang. Humahantong ito sa pagharap sa problema at pagsasabi ng antas ng sakit na naramdaman. Nagkakaroon ng pagpapatawad sa pamamagitan ng pagtanggap, pagpaparaya at paniniwalang nagsisisi ang nakagalit. Ang maipagtuloy at mapatatag ang relasyon sa pagitan ng magkakaibigan at magulang ang isa sa mga tunguhin ng pagpapatawad.
Sanhi ng pananakit sa yugto ng early adulthood ang paglabag sa pinaniniwalaang karapatan ng indibidwal sa ginagampanan niyang papel. Naipro-prosess ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng sarili at nagkakaroon ng pagpapalit ng pagtingin sa sanhi o sa dahilan ng pagkakaroon ng alitan. Isang responsibilidad sa grupo na kanilang kinabibilangan at sa kanilang mga pagpapahalaga ang pagpapatawad.
Sa middle adulthood naman, ang paglabag sa tiwalang ibinigay ang nagiging sentro ng nagpapatawad. Dahil ibinigay ito, umaasa rin sila na susuklian ito ng karampatang pag-uugali at respeto sa kanila bilang magulang, asawa, kasintahan o malapit na kaibigan. Pinoproseso ang pagpapatawad sa pamamagitan ng pagpaparaya, pakikiusap, at paniniwala na nagsisisi ang nanakit. Ang pagpapatawad ay paggaan ng loob na maaaring ilarawan sa pamamagitan ng pagkawala ng galit, sama ng loob, takot, pag-aalala, at bigat ng emosyonal na dinadala.
At ang panghuli ay ang late adulthood na umiikot ang sanhi ng alitan sa paglabag sa kanilang karapatan bilang matatanda. Sa kanilang edad inaasahan nila ang karapat-dapat na respeto at paggalang mula sa mga nakababatang miyembro ng komunidad. Kung hindi ito maibibigay, nagkakaroon sila ng mabigat na damdamin. Humahantong sila sa pagpapatawad sa pamamagitan ng pagtingin sa higit na positibong pananaw hinggil sa mga bagay-bagay.
Binubuo ang pagpapatawad ng tatlong mahalagang salik - ang pag-iisip sa pamamagitan ng paniniwala na nagsisisi ang nagkasala, sa pakiramdam na gumaan ang loob at sa pagbabago ng ugali na makikita sa pagpapahayag ng higit na positibong pananaw. Ang modelong ito ay isang pagtatangka na maipaliwanag ang proseso na pinagdaraanan ng mga Pilipino sa pagpapatawad sa iba't ibang yugtong debelopmental. Masasabing isa ito sa mga unang nabuong modelo sa pag-intindi mula sa pinaghuhugutang kundisyon hanggang sa kinahinatnan.