Yearend Specials: Instrumento ng Pagpapaalala at Pagpapalimot
Pontigon, K.M. M. (2014). Yearend Specials: Instrumento ng Pagpapaalala at Pagpapalimot. Unpublished undergraduate thesis. University of the Philippines, Diliman: College of Mass Communication.
Ang pag-aaral na ito ay tuon sa pagtuklas sa mga alaalang pinapaalala at pinapapalimot ng mga yearend specials na ipinalabas ng ABS-CBN sa mga unang taon ng panunungkulan ni Benigno Aquino III: 2010, 2011 at 2012. Tuwing matatapos ang taon, samu’t saring yearend specials ang ipinalalabas at naisusulat. Ang mga ito rin ay maituturing na buod ng mga pangyayaring nagsisilbing naratibong nagiging alaala ng Pilipinas. Sa pag-aaral, tinitingnan ang yearend special bilang isang alaalang kultural. Ang alaalang kultural, ayon sa konsepto ni Tamm (2008), ay nag-aambag sa pagbuo at paghabi ng diskurso ng alaalang dapat alalahanin sa isang lipunan. Kaya naman mahalagang layunin ng pag-aaral ang pagsuri sa kung ano at para kaninong alaala ang nananaig sa mga yearend specials na ito. Ngunit ang pagpapaalalang ito ay isa ring estratehiya ng pagpapapalimot at pagpapalabnaw sa ating pagbasa sa isang kaganapang panlipunan. Kaya naman nais ring sagutin ng pag-aaral kung ano at paano tayo minamanhid ng mga yearend specials.
Ginamit sa pag-aaral bilang konseptual na balangkas ang alaalang kultural ni Marek Tamm (2008) at kontra-alaala ni Michel Foucault (1977). Sa tulong ng discourse analysis bilang metodo sa pagsuri ng mga yearend specials ng ABS-CBN na Si Juan at ang mga Kuwento ng Bayan (2010), Dos Mil Onse (2011), at Sandosenang Balita: Yearender ng Bayan (2012) at archival research sa paggalugad ng kontra-alala sa tatlong alternatibong media na Bulatlat, Pinoy Weekly at Philippine Collegian, napatunayan ang pagpapaalala at pagpapalimot na naisasakatuparan ng mga yearend specials ng ABS-CBN. Bilang konklusyon, nakita na ang pagpapaalala ng ABS-CBN ay hindi nagbabago, may pinapanigan at pinagpilian na.
Keywords: alaalang kultural, kontra-alaala, pagpapaalala, pagpapapalimot, naratibo, yearend special, discourse analysis, archival research