Pekpek Bars!: Ang Kaso ng Sekswal na Objectification sa FlipTop
Ursabia, C. A. (2018). Pekpek Bars!: Ang Kaso ng Sekswal na Objectification sa FlipTop, Unpublished Undergraduate Thesis. University of the Philippines College of Mass Communication
Abstrak
Maraming pag-aaral ang nagpapatunay ng misogyny sa kultura ng hiphop, partikular sa rap. Gayunpaman, ang mga pag-aaral na ito ay nakapokus sa mga bansa sa Kanluran kung saan nagmula ang hiphop. Sa Pilipinas, itinatag ang FlipTop Battle League na naglalayong mas maipakilala at mapalaganap ang kultura ng hiphop at battle rap sa bansa. Tulad ng battle rap sa mga bansa sa kanluran, nagiging tampulan ng pambabastos at sekswal na objectification ang mga babae sa liga at hindi nila nagagamit ang kalayaan sa pagpapahayag upang ipagtanggol ang sarili. Sinuri ng pag-aaral na ito ang liriko ng mga rap ng mga lalaking emcee (MC) sa pamamagitan ng balangkas ng mga naunang Kanluraning pag-aaral nina Adams at Fuller (2006) at Weitzer at Kubrin (2009) tungkol sa misogyny sa rap upang makita ang kaso ng sekswal na objectification at pambabastos sa mga piling battle sa FlipTop. Bukod dito, sinuri ang lenggwahe at mga gawi ng mga femcee. Lumalabas man mula dito na isinasailalim nila ang mga sarili sa self-objectification, lumabas naman mula sa panayam sa isa sa mga femcee na ito ang kanyang paraan upang ipahayag ang sarili. Kinukunsidera ito bilang pagkalaban sa nakasanayang paniwala tungkol sa mga babae at pagbuo ng bagong identidad na karapat-dapat pa ring respetuhin.
Mga susing salita: misogyny, sekswal na objectification, battle rap, femcee, FlipTop