Pampulitikang Maragtas Kang Antique, 1888-2008

From Iskomunidad

ALBERTO TOLEDO PAALA JR.
MA Kasaysayan (Marso 2009)
Departmento ng Kasaysayan


Ang pag-aaral na ito ay nakasentro sa kasaysayang pampulitika ng Antique mula sa Pag-alsa sa Igbaong noong 1888 hanggang sa taong 2008. Sinasaklaw nito ang mga mahalagang pangyayari sa lalawigan at binibigyan ng diin ang mga proyekto ng bawat gobernador. Mula rito malalaman natin kung ang mga programa ba ng mga gobernador na ito ay tumutugon doon sa pangangailangan ng mga mamamayan ng lalawigan.


Nahahati ito sa labing dalawang kabanata. Ang pagpasya sa paghahati hati ng bawat panahon sa pag-aaral na ito ay nasa may-akda. Ang unang kabanata ay ang pagpapaliwanag ng paksa, sinundan ito ng heograpiya at maikling kasaysayan ng lalawigan bago pa man maganap ang pag-alsa sa Igbaong. Sumunod dito ang pakikipaglaban ng mga Antiqueńo laban sa mga Espanyol at Amerikano.


Binigyan ng pansin ang mga patakaran ng mga Amerikano sa lalawigan at ang mga naihalal na mga gobernador sa panahong ito. Sa panahon ng Hapon sinuri ang pagsusumikap ng mga gerilya na ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga Hapones sa kabila ng kakulangan ng armas at pagkain.


Ang sumunod pang mga kabanata ay nakasentro sa mga kaganapan sa lalawigan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa taong 2008. Mapapansin na sa panunungkulan ni Evelio na mahaba ang pagtalakay ng may-akda. May kinalaman ito sa kahalagahan ng kanyang panunungkulan at gayundin din naman sa dami ng dokumento ng aking nakalap tungkol sa kanya at sa kanyang mga programa na nakasentro sa kabuhi (buhay), dungug (dangal) at ginhawa ng lalawigan na masasabing mga sangkap o katangian ng pagkatao ni Evelio bilang modelo o huwarang pangkalinangan. Mula sa pag-aaral na ito malinaw na ang Antique ay may sariling maragtas at kalinangan na mahalagang bahagi ng pambansang kasaysayan na nararapat lamang ipagmalaki ng mga Antiqueńo at ng mga Pilipino sa pangkalahatan.