PAGKAKAMAG-ANAK AT PULITIKA SA ISANG PAMAYANANG ITA SA TAYABAS, QUEZON
PAGKAKAMAG-ANAK AT PULITIKA SA ISANG PAMAYANANG ITA SA TAYABAS, QUEZON
ROLAN B. ALDOVINO
MA ANTHROPOLOGY (APRIL 2011)
Department of Anthropology
Ang pag-aaral na ito ay tumutukoy sa pagkakamag-anak at pulitika sa isang pamayanang Ita sa Tayabas, Quezon. Kinilala nito ang sistema ng pagkakamag-anak na palasak sa pamayanan. Tinukoy rin ng pag-aaral ang pagkakaugnay ng pagkakamag-anak at pulitika sa pamayanang nabanggit. Bibigyang-diin nito ang mga relasyong pampulitika ng mga Ita kaugnay ng kanilang pagkakamag-anak, kasama ang kanilang mga konsepto tungkol ditto kabilang ang mga ritwal, paniniwala at tradisyon, at ang pagkakabuo ng balangkas nito.
Ang pulitika sa pag-aaral na ito ay sumasaklaw sa anumang relasyong pangkapangyarihan o anumang gawaing may kaugnayan sa impluwensya – ang kakayahang mapagpabago o maapektuhan ang kilos, kaisipan at pagpapasya ng iba ayon sa sariling kagustuhan – kasama na ang balangkas ng organisasyong panlipunan. Ang pagkakamag-anak ay sasakop sa pagkakaugnay-ugnay ng mga tao sa pamamagitan dugo at mga ritwal, kabilang ang konsepto ng pamilya at mga karapatan at tungkulin ng mga kasapi nito.
Binabaybay ng pag-aaral ang mga kaisipan mula sa mga teorya ng pagbabalangkas, practice, agency at puhunan o capital. Ayon sa kaisipan ng pagbabalangkas, ang kalinangan o kultura ay may likas na pagkakabuo at bunga ng paghubog ng panahon. Ang mga kasapi ng lipunan ay umaangkop batay sa mga nasabing anyo o bahagi ng lipunan. Kabilang sa mga bahaging ito ng lipunan ang mga institusyon tulad ng pagkakamag-anak at pulitika.
Ang bawat institusyon ay binuo at nilinang upang tugunan ang mga likas at pangunahin nitong pangangailangan. Ang mga institusyon at ang mga kaukulang balangkas nito, kasunod ng mga kaisipan ukol sa practice at agency, ay pinananatili at nililinang ng mga kasapi ayon sa nabatid nilang kapakinabangan sa bawat bahagi nito.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kasapi sa bawat bahagi ng kanilang pamumuhay, unti-unting nahuhubog ang kanilang kalinangan o kultura. Kasabay nito, kumikilos ang mga kasapi ng lipunan ayon sa kinakailangan nilang pagtugon sa mga kaganapan sa kanilang paligid gamit ang mga natipon nilang puhunan, alinman sa puhunang panglipunan, pang-ekonomiya, pangkalinangan. Ito ang kanilang sandigan para sa pagpapatuloy o pagpapanatili ng mga sistemang kanilang binuo para sa kanilang kapakinabangan.
Inilalahad ng pag-aaral ang halaga ng pagkakamag-anak para sa mga Ita sa Tayabas at ang bahgi nito bilang isang salik at institusyon ng lipunan. Ipinapakita rin nito ang balangkas ng pagkakamag-anak at kung paano ito hinubog ng mga katutubo sa pamayanan ayon sa mga kaganapan sa kanilang paligid. Kasunod rin nito, inilarawan ang mga palasak na ugnayang pampulitika na kinasasangkutan ng mga Ita kabilang na ang kanilang mga pakikipag-ugnayang panloob at panlabas.Tinukoy rin nito ang mga pagsasalimbayan ng mga aspetong pampulitika at pagkakamag-anak mula sa kanilang mga pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa pamayanan at maging sa iba pang institusyong may kaugnayan sa kanila.
Mula sa mga nakalap na kabatiran at kaganapan, natukoy ng pag-aaral ang maraming pagbabago at pag-angkop ng pamayanang Ita bilang isang aktibong tagapagpadaloy at tagapagpakilos. Ang mga pagtugon na ito ng pamayanan ang humubog sa mga balangkas at institusyong panlipunang kanilang ginagamit, pangunahin sa pagkakamag-anak at sistemang pampulitika. Kung magkagayon, masasabing ang pamayanang Ita ay aktibong gumagalaw ayon sa mga pagtugon na kailangan o mabisa batay sa sarili nilang pagtaya.
Ang pag-aaral na ito sa pagkakamag-anak ng mga Ita sa Tongko, gayundin sa sistema ng kanilang pulitika, ay mahalaga sa higit na pag-uunawa sa mga marginal na pamayanan na maaaring akatulong sa pagbuo ng higit na maayos na pakikipag-ugnayan ng iba pang pamayanan sa mga lipunang nabanggit. Ito ay maaring makapagbigay ng liwanag sa mga ganitong kaganapan at maaaring maging batayan sa paglutas ng ilan sa salimuot na dulot ng mga nasabing pagbabago. Maaari rin maging saligan ito ng iba pang pag-aaral ukol sa mga relasyong panlipunan o sa balangkas nito.