Bagwis 2

From Iskomunidad

BAGWIS 2
Birds of UP Diliman

Mula sa campus ng UP, Diliman, ang pagtatanghal sa mga ibon sa unang Bagwis (Setyembre 2013) ay pumagaspas at isinali na ang mga ibon ng Quezon City.

Simple ang dahilan dito: tulad ng mga mag-aaral ng UP, Diliman, hindi lamang sa loob ng campus namamalagi ang mga ibon. May ugnayan ang mga ibon sa campus ng UP sa higit na malawak na lunsod. Tulad ng paninindigan ng UP, Diliman, ang unibersidad ay hindi hiwalay sa kanyang kaligiran.

May nananatili pang mga puno na nagsisilbing tahanan ng mga ibon, pati na bilang corridor na nagdurugtong sa UP at sa La Mesa Eco Park (LMEP), at sa kabundukan ng Sierra Madre. Napuputol ang corridor na ito sa gawi ng Parks and Wildlife. Ang corridor na ito ang nagsisilbing daluyan ng mga ibon sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Hindi kataka-taka kung gayon, na minsan, may raptor tulad ng agila at lawin na nagagawi sa campus. Sabihin pa, may pagkakahawig ang makikitang mga ibon sa campus at sa LMEP. Ang ilang ibong migratory na unang nakikita sa LMEP ay, sa ilang araw, makikita rin sa campus. Ang Bagwis 2, kung gayon ay isang pagtatangka na ipakita ang ugnayan ng campus ng UP, Diliman sa kanyang kaligiran.

Ang Bagwis 2 ay pagkilala rin sa pangangalaga sa kapaligiran ng UP, Diliman, at gayon din bilang muling paalaala na itaguyod ang pagiging sanktuaryo ng mga ibon ang ating campus; lumikha ng kongkretong hakbang upang higit pang mapangalagaan ang mga puno at halaman, ibon, kulisap at iba pang buhay-kalikasan sa campus, at ugnayan ng kalikasan at pangangailangan ng unibersidad.

May darating pang Bagwis 3, 4 at higit pa… mula UP, Diliman, ang ugnayan sa kalikasan ay lalampas sa ating campus, lunsod, mga pulo at mga bansa.

Mula sa mga Curator

Mga Propesor Reuel Molina Aguila, Bert Madrigal, at Armando Somintac