SINO ANG TUNAY NA WAGI

From Iskomunidad
Revision as of 13:28, 17 June 2022 by Iskwiki.admin (talk | contribs) (Text replacement - "http://iskwiki.upd.edu.ph" to "https://iskomunidad.upd.edu.ph")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)

Calay, J. R. E. (2018). Sino ang Tunay na Wagi? Pagsusuri sa Nilalaman ng mga Nanalong Pinakamahusay na Pahayagang Pangmag-aarál (Seksyong Balita) sa National Schools Press Conference (2015-2018), Hindi nailathalang di-gradwadong tesis, Unibersidad ng Pilipinas, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla.

Abstrak

Sinuri sa pag-aaral na ito ang mga pahayagang pangmag-aarál na itinanghal na pinakamahusay sa seksyong balita sa National Schools Press Conference (NSPC) mula 2015 hanggang 2018. Sampung pahayagan na nasa wikang Filipino mula sa iba’t ibang mga paaralan sa Pilipinas ang ginamit upang kumatawan sa pangkalahatang hubog at nilalaman ng mga pahayagang pangmag-aarál sa antas sekundarya sa buong bansa.

Ginabayan ang pag-aaral na ito ng konseptong “tagóng pagsesensura” at teorya ng gatekeeping upang maipakita ang panloob at panlabas na mga pwersang nakaaapekto sa nilalaman ng isang pahayagang pangmag-aarál bunga ng NSPC.

Gumamit ang pag-aaral na ito ng metodong pagsusuri ng nilalaman na tinala gamit ang mga nauna nang itinakdang mga kategorya. Kinapanayam din ang ilang punòng patnugot, gurong tagapayo, at isang hurado sa NSPC upang pagtibayin ang mga bunga ng pag-aaral.

Nawawala ang tunay na mga simulain ng isang malayang pampaaralang pamahayagan sa kasalukuyang panahon. Nagiging “kasangkapan ng pagpapanatili” ang mga pahayagang pangmag-aarál—ang nagpapatuloy na paglalahad ng kadakilaan ng paaralan at ang magandang imahe nito. Napag-alaman ito dahil sa positibong pangkalahatang tono ng pagbabalita, ang pagturing sa mga guro o administrasyon ng paaralan bilang pangunahing sangguniang kinapanayam sa mga aytem pambalita, ang lumabis na gampanin ng gurong tagapayo, at ang pag-alinsunod sa mga mungkahi at komento ng mga hurado upang mas tumaas ang pagkakataong manalo sa NSPC.


View Thesis