Ikaw ang Big Time
Ikaw ang Big Time!: Ang Komodipikasyon ng Pagkakataon sa programang Wil Time Big Time
ABSTRAK
Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa kung paano kinokomodipika ang pagkakataon sa Wil Time Big Time. Layon nitong ipaliwanag kung paano ipinapakete at ibinebenta ng Wil Time Big Time ang konsepto ng pagkakataon at kung paano ito kinokonsumo ng manunuod. Nakuha ang sapat na datos para sa analisis mula sa panunuod ng limang episodes ng programa, dalawang linggong fieldwork sa audition at interbyu sa Wil Productions at mga nag-o-audition.
Ayon sa mga pag-aaral, isa ang Wil Time Big Time sa itinuturing na paraan para matugunan ang pangangailangan ng masa sa panahon ng depresyon. Naniniwala ang nakararami sa lipunang Pilipino na ang buhay ay nakasalalay sa swerte, malas at sa gulong ng palad. Sa ganitong kaisipan, napakahalaga ng pagkakaroon ng pagkakataon bilang susi sa pintuan na nagbubukas para maabot ang inaasam na swerte.
Batay sa datos na nakalap, mayroong komodipikasyon at marketisasyon ng pagkakataon sa masa. Nakokomodipika at naibebenta ito gamit ang mga kategorya at mga batayan ng kwalipikasyon na itinakda ng institusyon bilang pangako ng pagkakataon na maabot ang tagumpay, sa pagkakataon sa audition, sa tagal ng nasabing kalahok sa mismong palaro at maging sa pagkapanalo niya rito.
Naibebenta rin ang pagkakataon sa tuwing nabubuo ang pleasure ng pag-asam, sa kasiyahan ng panunuod, ng pakikilahok at pangangarap ng masa na isang araw sila rin ay magkakaroon ng pagkakataon. Dahil dito, ang pagkakataon ay naging komoditi – isang pangako ng kaginhawaan at tagumpay. Madaling naibebenta ito dahil ito ang aspirasyon ng lipunan.
Magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa media kung hindi mawawakasan ang krisis sa ekonomiya dahil patuloy na aasa sa mga pangakong ibinibigay ng game show ang maraming Pilipino. Iminumungkahi ng mananaliksik ang pagpapasigla sa media literacy program upang marebisa ang paglikha ng game show at maisulong ang pagkakaroon ng isang responsableng media tungo sa mas kapaki-pakinabang na telebisyon.
Mga susing salita: Kategorya, Komodipikasyon, Pagkakataon, Wil Time Big Time