User:Mcmiranda1

From Iskomunidad
Revision as of 10:11, 21 March 2014 by Mcmiranda1 (talk | contribs) (Created page with "'''EDSAng Mahalimuyak, EDSAng Lagalag, EDSAng Hubad: Mga Representasyon ng Pangangapital sa Espasyong Kinakalakal''' '''ABSTRAKT''' Miranda, M.A. C. (2014). ''EDSAng Mahal...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)

EDSAng Mahalimuyak, EDSAng Lagalag, EDSAng Hubad: Mga Representasyon ng Pangangapital sa Espasyong Kinakalakal


ABSTRAKT


Miranda, M.A. C. (2014). EDSAng Mahalimuyak, EDSAng Lagalag, EDSAng Hubad: Mga Representasyon ng Pangangapital sa Espasyong Kinakalakal, Unpublished undergraduate thesis. University of the Philippines, Diliman: College of Mass Communication.


Ang papel na ito ay isang lakbay-aral tungo sa gampanin ng textong media sa pagbubuo ng lunang representasyonal sa isang urban na lugar.


Pangunahing ruta nito ang pagtingin sa billboard hindi lamang bilang isang konstruksiyong media kundi isang espasyal na istrukturang nakikisali sa masalimuot na relasyon ng lunan, kapangyarihan at representasyon. Salalayan sa pagsusuri ang pagsasateorya sa lunang representasyonal ni Lefebvre (1991), konseptuwalisasyon sa ideolohiya ni Barthes (1972), at dinamiko ng paglikha ng representasyon ni Gregory (1994). Dalawang istasyon sa pananaliksik ang daraanan ng tesis na ito. Una ay ang pagsasalarawan ng pisikal na pinagtitirikan ng piling billboards sa tatlong pook na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA. Ikalawa naman ay ang pagsusuri sa mga imahe ng billboard vis-à-vis kinalalagyan ng textong media. Kasangkapan sa biyahe ang pagsusuri sa mga litrato, kritikal na pagbasa sa espasyal na kontexto ng napiling billboards, at ang pagdidikit sa sariling danas ng mananaliksik bilang isang manlalakbay sa urban na lugar.


Hahantong ang papel sa paglulunsad sa EDSA bilang isang lugar na nagtataglay ng magkakaibang identidad. Sa gayon, mabibigyang-katwiran ang pakikihirati ng billboard bilang isang textong media sa pagbubuo ng magkakaibang representasyon ng iisang lunan.


Mga susing salita: billboard, EDSA, lunang representasyonal, Lefebvre