Midya bilang Paglimot: Pagguho ng mga Gunita sa mga Dokumentaryo
Nakatuon ang pag-aaral na ito sa pagsusuri ng iba’t ibang presentasyon at representasyon ng paglimot sa mga dokumentaryo sa iba’t ibang panahon. Sa pag-aaral na ito; una, susuriin ang mga dokumentaryo kung anong klaseng paglimot ang nilalaman ng mga ito; pangalawa, susuriin kung ano ang mga ipinalilimot at ipinaaalala ng mga nilalaman; pangatlo ay susuriin din kung paano at bakit nagiging pagpapalimot ang pag-alala na isinasagawa ng mga tekstong pangmidya; at panghuli, magmumungkahi ang pag-aaral na ito kung ano nga ba ang dapat nating mga maalala sa mga ipinalilimot ng mga tekstong pangmidya. Sinusuri ng pag-aaral na ito ang tatlong dokumentaryo mula sa tatlong dekada, 1990s, 2000s, at 2010s: Bontoc Eulogy ni Marlon Fuentes (1995), Huling Prinsesa ni Kara David (2004), at Ang Huling Mambabatok ni Kara David (2010).
Paano nga ba maiuugnay ang paglimot sa midya? Paano nga ba nagiging isang paraan ng pagpapalimot ang midya? Ginagamit ng pag-aaral na ito ang tatlong teorya: Amnesis Manifesto ni Nicomedes Suaárez-Arauúz (1984), Third Cinema as Guardian of Popular Memory: Towards a Third Aesthetics ni Teshome H. Gabriel (1989), at The Praxiological Aspect of Social Memory ni Gulnara Abduvasitovna Bakieva (2007). Sa huli, maibibigay ang konklusyong ang mga pagpapaalala ng midya ay mga paraan ng pagpapalimot sa iba’t ibeng lebel: personal, politikal, at sosyal.
Mga keyword: dokumentaryo, paglimot, alaala, Third Cinema, social memory
Raquid, R. T. (2012). Midya Bilang Paglimot: Pagguho ng mga Gunita sa mga Dokumentaryo, Unpublished Undergraduate Thesis, University of the Philippines Diliman College of Mass Communication.