Paghubad sa Huwad: Isang Pagsusuri sa Pagkaepiko ng Epicseryeng Amaya

From Iskomunidad
Revision as of 13:37, 22 March 2012 by Dryalung (talk | contribs)

ABSTRAKT

Ang pag-aaral na ito ay isang pagsusuri sa pagkaepiko ng epicseryeng Amaya, at kung paano nito ginagamit ang kasaysayan at kulturang pre-kolonyal ng Filipinas upang bumenta ang palabas sa mga manonood.

Sa pamamagitan ng textual analysis, sinuri kung taglay ba ng epicseryeng Amaya ang mga katangian ng ating mga katutubong epiko. Inihambing sa pag-aaral na ito ang naratibo at mga tema ng katutubong epikong Labaw Donggon at ng epicseryeng Amaya sa gabay ng teoryang Istrukturalismo. Dahil sinasabing ang palabas ay batay sa ilang historikal na mga datos, tiningnan din kung sumang-ayon ba ang ilang mga detalye ng kulturang pre-kolonyal na mahalaga sa naratibo ng Amaya sa mga datos ng kasaysayan.

Sa pag-aaral na ito, sinuri rin ang iba’t ibang mga elemento ng produksyon tulad ng mga kasuotan at itsura ng mga tauhan, disenyo ng produksyon, at wika sa palabas na nagpapakita ng kulturang pre-kolonyal. Sa pagsusuring ito ay tiningnan ang ginawang representasyon ng Amaya sa kulturang ito.

Batay sa mga ginawang pagsusuri ay tinukoy ang mga estratehiyang pamproduksyon at promosyonal na ginamit ng Amaya upang ibenta ang kulturang pre-kolonyal at ang palabas sa mga manonood.

Sa tulong ng teoryang Orientalismo ni Edward Said at sanaysay na Mga Katiwalian sa ating Kamalayan Tungkol sa Kaalamang Bayan ni Arnold Azurin, nagbigay ang pag-aaral na ito ng kritisismo sa ginawang paggamit sa kasaysayan at kulturang pre-kolonyal sa epicseryeng Amaya upang bumenta ang palabas.

Keywords: Amaya, Labaw Donggon, epiko, epicserye, pre-kolonyal, istrukturalismo, orientalismo, kaalamang bayan

YALUNG, D.R. (2012). Paghubad sa Huwad: Isang Pagsusuri sa Pagkaepiko ng Epicseryeng Amaya. Unpublished undergraduate thesis, University of the Philippines College of Mass Communication.