Sapakan Na!: Isang kritikal na pagkukumpara sa hustisyang umiiral sa barangay at sa programang Face to Face sa pagresolba ng domestic na away
ABSTRAKT Claudio, M. A. (2011). Sapakan Na!: Isang kritikal na pagkukumpara sa hustisyang umiiral sa barangay at sa programang Face to Face sa pagresolba ng domestic na away, Unpublished Undergraduate Thesis, College of Mass Communication, University of the Philippines, Diliman
Ang “Sapakan Na!: Isang kritikal na pagkukumpara sa hustisyang umiiral sa barangay at sa programang Face to Face sa pagresolba ng domestic na away ay isang pag-aaral kung saan pinaghambing ang hustisya sa pagresolba ng domestic na away sa barangay kumpara naman sa barangay hall on air, ang programang Face to Face. Ginamit ng pag-aaral ang kritikal na pag-aanalisa ng diskurso partikular na ang konsepto ng disciplinary power ni Foucault upang suriin ang diskurso ng hustisya sa Face to Face. Samantala, ginamit naman ang framework ng pampulitikang ekonomiya upang maintindihan ang kapitalistang pangangailangan ng programa at paano nakaapekto ang pangangailangan na ito sa diskurso ng hustisyang matatagpuan dito. Nakita sa isinagawang pag-aaral na bagama’t ang ipinapangako ng dalawang sistema ay restorative na hustisya ay hindi naman ito epektibong naipatutupad lalo na kapag ang pinag-uusapan ay ang mga kaso ng pang-aabuso sa loob ng sambahayan. Sa halip ay ginagamit ang programang Face to Face bilang mekanismo sa pagnonormalisa ng mga maling gawi ng mga miyembro ng sambahayan upang mapreserba ang institusyon ng pamilya.
Keywords: Barangay, Face to Face, pagresolba ng away, hustisya, domestic na away