UP Buklod-Isip
Ang UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino o UP Buklod-Isip ay isang pang-akademikong oragnisasyon ng mga mag-aaral ng sikolohiya. Pangunahin sa mga isinusulong ng aming samahan ay ang pagtataguyod at pagpapalaganap ng Sikolohiyang Pilipino (SP), isang sikolohiyang tunay na sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino at sa gayo'y tunay ding tumutugon sa mga pangangailangan at adhikain nito. Ito'y isang sikolohiyang malaya, mapagpalaya at mapagpabagong-isip.
Dahil naniniwala ang UP Buklod-Isip sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, aktibo itong nakikilahok sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Itinataguyod nito ang pagsasakapangyarihan o empowerment bilang pinakamabisang paraan ng pagtugon sa pangangailangan nating mga Pilipino. Ang mga prinsipyong nabanggit ang siyang gabay ng UP Buklod-Isip sa pagtatag at patuloy na pagtaguyod sa Buklod CSSP, kasama ang iba pang organisasyon. Kabilang din ang Buklod-Isip sa CSSP Academic Circle. Bukod dito, ang Bukluran ay aktibong miyembro ng Tatsulok, ang samahan ng mga organisasyong nagtataguyod ng SP mula sa iba't ibang unibersidad.
Ang Bukluran
Itinatag ang Bukluran noong ika-14 ng Agosto, 1981 at ngayo'y nagdiriwang ng ika-30 anibersaryo nito. Ang unang naging tagapangulo nito ay si Roberto "Bobby" Galvez, habang si Dr. Virgilio Enriquez naman ang naging unang Gurong Tagapayo. Ang punong himpilan nito ay matatagpuan sa East Wing, Palma Hall.
Preyambolo
Kami, ang mga mag-aaral ng sikolohiya na naniniwala sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, na naglalayong magtatag ng isang buklurang magpapalaganap ng isang Sikolohiyang sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino, at tumutugon higit sa lahat sa pangangailangan at interes ng masang Pilipino, ay taos-pusong nagpapatibay at nagtataguyod ng saligang batas na ito.
Ang Pamunuan ng Bukluran
Lupong Tagapagpaganap 1981 - 1982
- Tagapangulo: Roberto “Bobby” E. Galvez
- Pangalawang Tagapangulo/Tagapangulo ng Komiteng Pangkasapi: Adonna K. Esleta / Ma. Angela "Ging" Agustin
- Tagapangulo ng Komiteng Pang-akademiko: Dennis B. Batangan
- Tagapangulo ng Komiteng Pananalapi: Eric Enriquez Alejo
- Tagapangulo ng Komiteng Panlabas: Lourdes Desiree “Daisy” Dominguez[-Cembrano]
- Tagapangulo ng Komiteng Pampublikasyon: Victoria "Rhea" Cabrera[-Ribaya]
- Tagapangulo ng Komiteng Pangkultural: Rolando "Rolly" Ramos
Lupong Tagapagpaganap 2011-2012
- Bos Tsip-Tsip: Viktor Andre Fumar
- Lupon ng Kasapian (LuKas) Bos Tsip: Katerina Mae Livelo
- Lupon ng Pag-aaral at Pananaliksik (LuPag) Bos Tsip: Paulina Monique Sahagun
- Lupon ng Ugnayang Panlabas (LupUs) Bos Tsip: Allen Dominic Yu
- Lupon ng Gawaing Pangkalinangan (LuGaw) Bos Tsip: Feliza May Garin
- Lupon ng Pananalapi (LuPan) Bos Tsip: Jose Fidel Ramiro
- Lupon ng Paglalathala't Publisidad (LuPaP) Bos Tsip: Pia Angelica Vega
- Lupon ng Aklatan (LupAk) Bos Tsip: Prima Ester Medina
- Ang Daluyan Bos Tsip: Kevin Michael Moalong
Gurong Tagapayo: Bb. Cherrie Joy Billedo
Mga Gawain
- Lingap Kamay: Medical Missions at Teach-Ins
- Sayawitsan: Cultural Night
- Paglubog (Immersion)
- Pang-akademikong Komperensya
- Paper-sharing
- Discussion Groups
- Pagtulong sa mga Pag-aaral sa Sikolohiya
- Pagpupublisa ng mga Pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino
- SP Workshops
- SP Exhibits
- Expo Trips
- Tsibugang Pinoy: Pinoy Eating Contest
- Anniversary Night
Sikolohiyang Malaya at Mapagpalaya
Titik: Ding De Jesus Musika: Rainier Reyes
Mistulang pangarap ang isang hangarin
Na walang pag-asang hagilapin
Ng isipang pinilit talian
Ng isipang pinilit gapusan
Mistulang panaginip, malimit lumapit
Kabuluhan, kabuluhan, iginigiit
Subalit buong lakas na sinasaghan
Ng isipang gapos sa masikip na kulungan
Mukha'y tinatakpan, habang damdami'y sinisilaban
Ng mga katanungang 'di matakasan
Nasaan ang sikolohiyang sinasamo
Ang sikolohiyang walang pagbabalat-kayo?
Kaya't halina, mga kasama
Tapusin na ang pag-iisa
Panaginip mo'y gawing katotohanan
Pangarap mo'y makakamtan
Halina, mga kasama
Isipa'y hayaang lumaya
Sikolohiya'y gawing malaya
Sikolohiya'y gawing mapagpalaya
Halina, mga kasama
Lahat tayo'y magbukluran na
Hangarin mo'y hangarin ko
Tagumpay mo'y tagumpay ko!
Mga Affiliate
- UP ALYANSA
- Buklod CSSP
- UP Psychedelics
- CSSP Academic Circle
- Tatsulok PSSP
- Students Pavilions Team (SPT)