UP Lakan

From Iskomunidad
Revision as of 08:55, 20 October 2011 by Asmartin (talk | contribs)
UP Lakan

Samahan ng mga Bulakenyong mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Motto: Sama-sama, kayang-kaya!
Nickname: Lakan

Opisyal na Logo

Itinatag: Ika-22 ng Pebrero, 1988
Punong Himpilan: Cluster D (Vinzons Hill), Vinzons Hall, University of the Philippines, Diliman, Quezon City
Nagtatag:
Bilang ng Miyembro: 70 (as of ASY 2011-2012 1st semester)
Opisyal na Pahayagan: Talakan
Website: www.uplakan.co.cc

Ang UP Lakan ay isang panlalawigan, sosyo-sibiko, non-stock at non-profit na samahan ng mga Bulakenyong iskolar ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Itinatag ang UP Lakan noong ika-22 ng Pebrero, 1988 sa pamumuno ni Bokal Ariel Arceo. Mula nang maitatag ang samahan, patuloy na itong sa pagbibigay ng serbisyo at tulong hindi lamang sa mga estudyante ng UP kung hindi maging sa mga mamamayan ng Bulakan.

Paninindigan

  1. Ang UP LAKAN ay naniniwalang ang pagkakaisa ng mga taga-Bulakan sa loob at labas ng Unibersidad ay higit na matatamo sa pamamagitan ng isang samahan.
  2. Ang UP LAKAN ay naniniwalang ang samahan ay makakatulong ng malaki sa pag-unlad ng Bulakan sa mga aspetong pangkabuhayan, pangkultura, panlipunan at iba pang aspeto na kaakibat sa pag-unlad.
  3. Ang UP LAKAN ay naniniwalang ito ay makakatulong sa mga mag-aaral na taga-Bulakan sa Unibersidad sa larangan ng pag-aaral.
  4. Ang UP LAKAN ay naniniwalang ito ay makikipag-ugnayan sa gitna ng higit na malawak na komposiyon ng mga mag-aaral sa Unibersidad at iba pang bagay na makakatulong ng malaki o maliit man sa kanila.
  5. Ang UP LAKAN ay naglalayong magkaroon ng malawakang pakikipag-ugnayan at pakikiisa sa iba pang mga sector o grupo sa loob at labas ng Unibersidad.

Mga Proyekto

Acquaintance Party

PAGSASALU-SALO. Idinaraos ang acquaintance party bilang pagsalubong sa isang buong taong tatahakin ng mga mag-aaral sa unibersidad. Nilalayon nitong tipunin ang mga mag-aaral ng UP Diliman, naninirahan man sa Bulacan o hindi, upang maipakilala ang samahan, gayundin ang probinsya ng Bulacan, sa higit na nakararaming tao. Ang pangunahing adhikain sa pagtitipon-tipong ito ay ang lumikha ng pagkakataon upang pasimulan at/o lalong papagtibayin ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga dadalong bisita at mga kasalukuyang miyembro at maging mga alumni ng UP Lakan. Ikalawa na lamang ang hikayatin ang mga bisita na sumapi sa samahan sa pagsapit ng ilulunsad na application process ng Lupon ng Pagsapi. Nakagisnan na ang pagbabahaginan ng mga talento sa pamamagitan ng mga kaibig-ibig na pagtatanghal at pagpapalabas ng mga kaaya-ayang media presentation.

CATalinuhan

EDUKASYONG PANGKOLEHIYO. Nagsasagawa ng taunang college admission test review ang UP Lakan para sa mga Bulakenyong mag-aaral na nasa ikaapat na antas sa sekondarya. Ito ay upang matulungang makapaghanda ang mga mag-aaral sa pagkuha nila ng entrance exam sa paaralan o unibersidad na nais nilang pasukan. Nagbibigay din ang samahan ng mga kits sa mga mag-aaral na naglalaman ng mga application forms ng mga piling unibersidad. Sa naturang araw din nagbibigay ng orientation upang mabigyan ng ideya maging payo na din sa tatahakin nila sa buhay kolehiyo.

Application Process

PAGPAPATULOY NG LAYUNIN. Ang proyektong ito ay isinagawa sa bawat semestre kung saan ang mga interesadong sumali sa samahan ay mas ipinakikilala sa mga miyembro at alumni, sa mga proyekto ng organisasyon at sa kultura ng samahan sa kabuuan. Sa durasyon na kulang tatlong buwan, ipinapamalas din ng aplikante ang kanyang kakayahan at talentong maaari niyang ibahagi sa samahan. Sa ganitong paraan, napapatunayan niyang siya ay karapat-dapat na maging miyembro ng organisasyon. Pagkatapos niya sa mga proseso ay kikilalanin na siyang miyembro ng samahan. Upang patuloy na matugunan ng samahan ang mga layunin nitong makatulong, kinakailangan ng mga bagong miyembrong magtutuloy sa naumpisahan na ng organisasyon.

Team Building Activities

PAGBUBUKLOD SA MGA MIYEMBRO. Naging isang malaking bahagi na ng organisasyon ang pagkakaroon ng TBA minsan sa isang semestre. Layunin nitong papag-ibayuhin ang pisikal at emosyonal na katatagan at kalagayan ng bawat kasapi ng samahan, bukod pa sa katangi-tanging pagsasama-sama na ginagawa nito sa mga kasaping nakikiisa sa nasabing aktibidad. Karaniwang isinasagawa ang mga larong pinoy o mga patimpalak na iniangkop sa ibang bansa. Ang grupong magwawagi ay tatanggap ng karampatang premyo.

Alternative Classroom Learning Experience (ACLE)

KULTURANG BULAKENYO. Isa sa mga pinakabagong proyektong ilulunsad ngayong semestre na magpopokus sa kultural na aspeto ng ating minamahal na probinsya. Sa pagsuong sa naiibang hakbanging ito ay hangad ng samahang lubusang mapalalim ang pagkakakilala at pagkaunawa ng mga mag-aaral ng UP sa Bulacan at gayon na rin sa samahan. Sa pakikipagkaisa ng USC ay maitatanghal na rin ng UP LAKAN sa kauna-unahang pagkakataon ang mga natatanging tao/bagay/lugar na kinapapanabikang matunghayan ng mga interesadong mag-aaral ng unibersidad. Ito ay mangyayari sa loob ng apat na oras, mula ika-1 hanggang ikalima ng hapon sa petsang itatakda ng USC.

Alay sa Miyembro

PAGBIBIGAY-PUGAY SA MGA MIYEMBRO. Ito ay ginaganap tuwing huling buwan ng semestre. Layunin nitong pormal na kilalanin ang mga katangi-tanging nagawa at naging kotribusyon ng mga miyembro sa samahan sa buong semester. Naggagawad ng iba’t ibang awards at recognitions sa iba’t ibang kategorya tulad ng Best Member Award, Best New Member, Best Committee, Comedy King and Queen, Star for the Night, at marami pang iba. Dito rin binibigyang parangal ang mga miyembrong magsisipagtapos na ng kanilang pag-aaral sa naturang semestre.

Pambatang Buklatan

EDUKASYONG PANG-ELEMENTARYA AT SEKONDARYA. Maituturing ang edukasyon bilang isang susing makatutulong upang makamtan ang ating mga pangarap. Kaugnay nito, isinusulong ng UP Lakan ang kahalagahan ng edukasyon lalung lalo na sa mga kabataan.

Pinagtitibay ito ng proyektong Pambatang Buklatan. Ito’y isang aktibidad ng samahan na naglalayong tulungan ang mga kapus-palad na mag-aaral na Bulakenyo. Ito ay ginaganap tuwing unang semestre ng taon kung saan pinagkakalooban ng mga libro at school supplies ang mga mag-aaral mula sa napiling paaralan sa Bulacan.

Medical Missions

KALUSUGAN. Isang malusog at malakas na pangangatawan ang kinakailangan ng isang indibidwal upang maging produktibong mamamayan. Pinapahalagahan din ng UP Lakan ang paniniwalang ito sa isang taunang proyektong ginaganap tuwing ikalawang semestre - ang Medical Mission. Isang piling bayan sa Bulacan ang pinagkakalooban ng libreng serbisyong mediko mula sa sama-samang pagtutulungan ng mga doktor o medikong tao kaagapay ang tulong ng mga miyembro ng samahan.

Christmas Special

PAGBIBIGAY-SAYA. Taun-taong gawi na ng UP LAKAN ang magbigay-saya sa mga batang higit na nangangailangan lalo na tuwing Kapaskuhan. Kung pinapalad na mahusay na naisagawa ng kinatawan ng samahan ang pakikipag-ugnayan sa isang bahay ampunan ay dito itinatanghal ang mga presentasyong talaga namang pinaghandaan ng mga kasapi ng organisasyon. Magkakaroon din ng libreng pakain at mga munting regalo o alaala para sa mga batang ulila. Kung minsa’y ito na ang nagsisilbing Christmas Party ng samahan.

Timpalakan

TAGISAN NG TALENTO. Ang taunang paligsahang ito ay nilalahukan ng mga mag-aaral sa sekondarya mula sa iba’t ibang paaralan sa buong Bulacan. Ang mga kategorya ay Di-Handang Talumpati (English at Filipino), Pagsulat ng Sanaysay (English at Filipino), Poster-Making Contest at Quiz Bee. Ang mananalo dito ang kakatawan sa Bulacan at sasabak sa Patalasang Lahi, isang taunang paligsahan ng Sanlahi Alliance kung saan naglalaban-laban lahat ng kumakatawan sa iba’t ibang probinsiya sa buong Pilipinas.

Anniversary Month

PAGDIRIWANG. Ginaganap ito tuwing Pebrero, buwan kung kailan itinatag ang samahan sa unibersidad. Sa durasyon ng buwang ito nahahanay ang hindi halos mabilang na mga aktibidad, pagtatanghal, palaro, at kasiyahan na magdudulot ng pambihirang karanasan hindi lamang sa mga miyembro ng UP LAKAN kundi pati na sa mga taong lalahok sa mga pangyayaring ito. Kabilang na sa mga ito ang (1) Inter-org Sports Competition kung saan hinihikayat ang iba’t-ibang provincial/non-provincial orgs na makilahok sa mga larong Pilipino (patintero, karerang kawayan, atbp.) at kung saan nais muling ipabatid ang diwa ng sportsmanship, (2) Inter-org Quiz Bee na nitong huli’y pinamagatang “POPtalbugan: POPasa ka ba?” kung saan tinitipon ang mga mag-aaral na mahilig sa popular culture sa isang naiibang pagsubok ng kakayahang matukoy ang mga pinakasikat at usap-usapang tao, bagay, o pangyayari sa kasalukuyan, (3) Flowers & Notes Day kung saan ang lahat ng kasapi na dadalo’t makikiisa ay binibigyan ng kalayaang magpahayag sa lahat ng kanilang mga itinatagong saloobin, mabuti man ang mga ito o masama, (4) Thanksgiving Mass kung saan ang mga kasapi ay sama-samang dumadalo ng isang misa sa Parish of the Holy Sacrifice bilang pasasalamat sa mga biyayang nakamit ng samahan sa nakalipas na taon at sa mga darating pa, at (5) Anniversary Night kung saan ang buong gabi ay ilalaan sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkatatag ng organisasyon kasabay na ang pagpaparangal sa mga natatanging miyembro ng samahan na nagpamalas ng kani-kanilang mga kakayahan alang-alang sa UP LAKAN.

Sem Ender

PAMAMAHINGA. Isa (o dalawang) araw na pamamahinga mula sa walang humpay na pagod at puyat na dulot ng akademiya. Ito ay ginaganap upang opisyal na wakasan ang nagdaang akademikong taon at pasimulan ang ligayang hatid ng summer vacation. Dito kung saan muling nagkakatipon ang samahan ay nagaganap ang mga recreational activities gaya ng languyan, laruan, kantahan, sawayan, kwentuhan, at marami pang iba.

Iba pang ugnayan