Love the Skin You Are In:Isang Pagsusuri sa mga Patalastas ng Olay at sa Representasyon ng Young Skin
ABSTRACT
Ang pag-aaral ay naglalayon na ipakita ang representasyo[n ng “young skin” o batang balat sa mga patalastas ng Olay. Sinuri ang Olay Age Defying bar soap upang makita ang mga kaisipan na nais nitong ipahatid sa mga manonood. Sa pag-aaral na ito, nagsagawa ang mananaliksik ng isang textual na pagsusuri sa dalawang patalastas ng Olay soap na ipinalabas sa Pilipinas at gumamit ng mga Filipinang artista o modelo. Sinuri ang dalawang patalastas bilang texto na siyang ginagamit sa pagpapasa at pagpapahayag ng kaisipan na may kapakinabangan naman sa panig ng Olay.
Nagsagawa rin ng Focus Interviews upang malaman kung paano binasa ng mga gumagamit ng sabon ang dalawang patalastas.
Sa kabuuan, malinaw na ang representasyon ng “young skin” sa naging pag-aaral ay walang iba kundi ang pagputi ng balat. Pinakita ito sa biswal na pagbabago sa kutis ng modelo sa patalastas. Ang Olay ay gumamit ng hindi ganoong katandang mga babaeng modelo na masasabing magaganda talaga ang kutis upang maging kinatawan ng kanilang produkto. Dahil dito, ang mga kayumangging modelo, na siyang kinatawan nang karamihan sa mga kababaihan sa bansa ay mapapabata lamang kung gagamit ng Olay Age Defying Bar na siya namang papuputiin lamang ang kanilang mga balat.
Albay, M. (2011). Love The skin You’re In: Isang Pagsusuri sa mga Patalastas ng Olay at sa Representasyon ng Young Skin”. Unpublished Undergraduate Thesis, University of the Philippines, Diliman.