Ang Sandaling Sadya Nina Lire at Isa
(Lire and Isa's Unforgettable Encounter)
ni John Francis C. Losaria
ABSTRACT
Sa konteksto ng lipunang Pilipino, humaharap ang mga kabataan sa kanayunan sa sala-salabat na kontradiksyon at tunggalian. Ngunit sa kabila ng pagsasaimahe sa kanila bilang biktima sa gitna ng digmaan, lumilitaw ang isang realidad kung saan pinahahalagahan ang ambag nila, ano man ang kanilang edad, sa matagalang digmang bayang inilulusad sa kanayunan.
Ang Sandaling Sadya nina Lire at Isa ay kuwento ng mga batang sina Isa at Lire. Kapwa mga batang tagapaghatid ng mensahe na nagtagpo at nagkakilala habang naglalakbay sa patutunguhang baryo. Mistulang simple ang paghahatid ng mga mensaheng ito ngunit tiyak ang kanilang pag-iingat. Sa kanilang pagtalunton sa pisngi ng kabundukan, natuklasan nila ang talento ng bawat isa at iba pang karunungang natutunan mula sa mga kinalakhang komunidad—mga bayang inoorganisa at pinangangalagaan ng mga rebolusyonaryong pwersa.
Inilalahad ng pelikula ang ganitong realidad sa pamamagitan ng pagsilip sa isang araw sa buhay ng dalawang bata. Tampok sa simpleng naratibo ng pelikula ang kontradiksyon sa pagitan ng inosenteng katangian ng mga mayor na tauhan, at ng maligalig at marahas na kapaligirang kanilang ginagalawan. Gayunpaman, ang mulat na pagkiling ng mga tauhan sa mga rebolusyonaryong pwersa ay pagkilala sa kanilang pagpanig sa isang bahagi ng tunggalian. Batid nila ang halaga ng kanilang tungkulin sa rebolusyon.
Losaria, J.F.C. (2010). Ang Sandaling Sadya nina Lire at Isa. Unpublished Undergraduate Thesis. Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla.
Devela, N. , Devela, O. , Losaria, D. Jr., Losaria. T. (Producers) & Losaria, J.F.C. (Director). (2010). Ang Sandaling Sadya nina Lire at Isa [Motion Picture]. Philippines. (Available at the University of the Philippines Diliman Film Institute)
Keywords : Communism and society, Motion picture film, Military administration, Motion pictures and children, Givernment, Resistance to--Philippines