Penomenolohiya ng Media: Ang Media sa Mata ng mga Opisyal ng Gobyerno
Abstract Cao, C. J. & Reyes, J. C. (2012). Penomenolohiya ng media: Ang media sa mata ng mga opisyal ng gobyerno, Unpublished Undergraduate Thesis, University of the Philippines College of Mass Communication.
Sa kabila ng maraming mga pananaliksik na naisagawa patungkol sa ugnayan ng media at pamahalaan, bibihira ang sumuri rito mula sa pananaw ng mga opisyal ng gobyerno sa mas malalim na antas. Ang kakulangang ito ay maaaring bunsod ng katotohanang mahirap maghanap ng mga opisyal na handang magbigay ng panahon upang ilahad ang kanilang mga karanasan at saloobin sa media.
Alinsunod sa nabanggit, hinangad ng pag-aaral na ito na makagawa ng isang mas makahulugan at higit na malalim na pagsusuri sa ugnayan ng media at gobyerno sa pamamagitan ng penomenolohikal na pananaliksik sa kung ano ang media, bilang isang karanasan, mula mismo sa perspektibo ng mga opisyal. Sinubukan din nitong tuklasin ang mga saloobin at pagpapakahulugan ng mga lingkod-bayan sa kanilang karanasan.
Apatnapung mga opisyal mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang kinapanayam ng mga mananaliksik upang masawata ang penomenang pinag-aaralan. Batay sa kanilang mga salaysay, mayroong 16 na temang naglalarawan sa kanilang “pansariling karanasan ng media”. Ang mga ito ay nahahati sa tatlo: mga positibong karanasan (pagtutugma), mga negatibong karanasan (pagsasalungat), at parehong positibo at negatibong karanasan.
Sa positibong panig, ang karanasan nila ay binubuo ng mga sumusunod na temang tekstyural: pagpapalaganap ng impormasyon, pangangalap ng opinyong publiko, at pagpapaganda ng imahe.
Sa kabilang banda, ang mga negatibong karanasan naman ay kinapapalooban ng mga sumusunod: favoritism, paninirang-puri, trial-by-publicity, pagkiling o bias, sensationalism, nagpapa-sabong, nang-a-away, at katiwalian.
Gayunpaman, may limang temang tekstyural na itinuturing nilang parehong positibo at negatibong karanasan. Ang mga ito ay: katanyagan, kawalan ng privacy, expectations, pagsasa-alamat, at pagkakaroon ng kaba sa pagharap sa media.
Ang mga istrakturang nagsisilbing pundasyon ng “karanasan ng media” na sumasalamin sa mga saloobin at pagpapakahulugan ng mga opisyal ng gobyerno, batay sa kanilang “pagninilay”, ay ang mga sumusunod: relasyong pang-oras o temporality (pagiging bukas at handa sa media, tagal sa serbisyo, at kakayahan ng media na magsa-alamat), relasyong pang-espasyo o spatiality (mga sangay ng gobyerno, lokal at pambansang pamahalaan, at pagpasok sa mundo ng gobyerno), relasyong pananhi at bunga o causality (pagpapakatotoo at pagiging tapat sa harap at likod ng media, pangangailangan ng edukasyong pang-media, at kahalagahan ng pagre-regula sa media), relasyong pang-materyal o materiality (ang media bilang monopoly ng iilang negosyante at pagbibigay-tuon ng media sa kuwarta bago katotohanan), relasyong pangkatawan o bodyhood (ang paghahalintulad ng eleksyon sa beauty pageant at ang mga opisyal bilang celebrity), relasyong pansarili (personalidad at kahalagahan ng imahe para sa mga itinalaga at ibinoto), at relasyon sa iba (ang tamang pakikibagay sa media).
Ang mga natuklasan ng pag-aaral ito ay mapakikinabangan: (1) sa paglilikha ng mga batas patungkol sa pamamahayag; (2) ng mga kasalukuyan at nag-aambisyong maging opisyal ng pamahalaan at mga (Media Relations) MR practitioners sa kanilang pakikitungo sa media; at (3) sa pagbibigay ng edukasyong pang-media sa publiko upang maturuan silang maging kritikal sa kanilang nasasagap na impormasyon mula sa media.
English title: Phenomenology of the media: The media through the eyes of government officials