ANG MARKINGS GUERILLAS SA ALAALA NG MGA GERILYANG TAGA MORONG
M.A. History (Agosto 2012)
Analyn B. Muñoz
ABSTRACT
Sa mabundok na lalawigan ni Rizal, partikular na sa isa sa mga bayan nitong Morong, ay nabuo at kumalat ang Marking's Guerillas (MG): yunit-gerilya na nag-ambag ng sigla sa diwang gerilayismo sa noong okupasyong Hapon. Kung isasamapa ang mga teritoryong nahawakan ng mga Marking, ang munisipalidad ng Morong ay mamarkahan bilang pangunahing bayang inialay ang lahat para sa mga gerilya.
Ang MG, na sa huli ay makikilala sa opisyal na pangalang Marking's Fil-American Irregular Troops (MFA o MFAIT), ay nagkaroon ng tambalang pamunuan ng isang karaniwang tsuper, si Marcos “Marking” Villa Agustin, at ng isang Pilipina-Amerikanang mestisang mamamahayag na si Yay Panlilio. Ang magkataliwas na personalidad nila ay makaaapekto sa dinamikong panloob ng organisasyon. Panghunahin dito ang simpleng pinagmulan at karakter ni 'King na magkakaroon ng repleksyon sa magiging kasapian ng organisasyon lalo na sa Morong.
Ang probinsiya ni Rizal, bilang dala-dala ang huling pangalan ng ating pambansang bayani, ay tunay namang karapat-dapat sa pagtataglay ng ngalang ito. Noong panahong una, ito ang dating Morong na sa kasalukuyan nga ay isa na lamang sa mga bayang bumubuo rito. Noong kilala pa ito sa tawag na “Morong,” isa na itong lupain ng kabayanihan. Sa Himagsikan ng 1896, ang mga Morongueño ay tinangkilik ang Supremo Andres Bonifacio laban sa mga Espanyol; at higit na tumingkad ang kanilang katapangan sa pakikidigmang gerilya (guerilla wafare) sa Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1902) na muling lilitaw sa matinding pagtutol sa imperyalismong Hapon (1941-1945). Lalaki, babae, matanda, o bata man ay makikiisa sa makabayang layunin. Bawat isa ay may mga ispesipikong tungkuling gagawin para sa samahang gerilya. Sa pagwawakas ng digmaan, magiging pinakatampok na laban ng MG ang gagawing pagsagip sa Ipo Dam, pangunahing nagsusuplay ng tubig sa Maynila, na bibihagin ng mga Hapon noong huling taon ng giyera.