Bonggang Bonggang Bongbong: Ang Rehabilitasyong Pulitikal ng mga Marcos

From Iskomunidad
Revision as of 13:44, 19 November 2013 by Eoflaviano (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)

Bonggang Bonggang Bongbong: Ang Rehabilitasyong Pulitikal ng mga Marcos
Thursday, November 28 at 1:00pm
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal,
Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City

Ang "Bonggang Bonggang Bongbong: Ang Rehabilitasyong Pulitikal ng mga Marcos" ay ikatlong forum sa 2013 UP TWSC Public Forum Series na pinamagatang, "Marcos Pa Rin! Ang mga Pamana at Sumpa ng Rehimeng Marcos."

Matapos makapanumpa sa muling pagkapresidente noong Disyembre 1969 ay lumagda si Pangulong Ferdinand E. Marcos sa registry ng Malakanyang ng “Glad to be back.” Ang kanyang nag-iisang anak na lalaki, ang labindalawang taong-gulang na si Bongbong, ay ito naman ang sinulat: “Me next, I hope.”

Noong nakaraang taon, inilunsad ng InterAksyon.com ang memory project nitong pinamagatang “#NeverForget Martial Law.” Ang proyektong digital na ito, na paggunita sa ika-apatnapung anibersaryo ng pagdeklara ng martial law ni Marcos, ay kumalap ng mga salaysay mula sa mga biktima ng batas militar na nagsampa ng class suit laban sa estado ni Marcos upang maipaalala sa mga mambabasa kung ano ang kinailangang isakripisyo sa pagbuo ng Bagong Lipunan. Nilayon nitong bigyan ng mukha ang isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng ating bansa. Ang target—mga nakababatang henerasyon na masugid na gumagamit ng Internet, lalo na ng social media. Sa pag-alala, nilayun nitong hindi na maulit pa ang pagsasawalang bahala na naging daan sa mahabang pang-aabuso ng kapangyarihan ng rehimeng Marcos.

Kaya naman mas lalong kagulat-gulat ang mga komento sa homepage mismo ng memory project na ito: hindi iilan ang nagsabing matahimik at maunlad ang pamumuhay sa ilalim ng batas militar ni Marcos, disiplinado ang mga Pilipino, at wala halos krimen sa buong bansa. Kinuwestyon din ang kahalagahan ng EDSA I at ang naging kapalaran ng bansa sa ilalim ng mga demokratikong lider na sumunod sa napatalsik na diktador.

Ang mga sentimyentong ito ay matagal-tagal nang umiiral sa ilang mga social media networks, lalo na sa Facebook, kung saan may mga grupong tulad ng “Pres. Ferdinand Emmanuel E. Marcos,” “Bongbong Marcos,” at “Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. for President 2016 (BBM 2016).” Sa pagbabasa sa mga wall posts ng mga grupong ito, mahihinuha na ang paggunita sa batas militar at kay Marcos ay patungo sa isang hindi maipagkakailang political agenda—ang pagsuporta sa anak ng dating diktador, ang kasalukuyang Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nahalal si Bongbong Marcos sa senado noong eleksyon ng 2010—ang pinakaunang tagumpay sa larangan ng pambansang pulitika ng isang miyembro ng pamilya Marcos pagkatapos ng pagbagsak ng rehimeng Marcos. Una nang tumakbo at nabigo sa pagkapangulo si Imelda Marcos noong 1992 at 1998, at si Bongbong Marcos naman bilang senador noong 1995. Ayon kay Dr. Amado Mendoza Jr., propesor ng agham pampulitika sa UP Diliman, ang tagumpay na ito ay maaari ring basahin bilang patunay na ganap na ang political rehabilitation ng mga Marcos. Ang pagkahalal kay Bongbong Marcos sa senado ang pinakamatingkad na pagpapatunay sa mga pulitikal na tagumpay nina Imelda Marcos bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte (Hunyo 30, 1995 - Hunyo 30, 1998) at ng Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 - kasalukuyan) at Imee Marcos bilang dating Kinatawan ng Ikalawang Distrito (Hunyo 30, 1998 - Hunyo 30, 2007) at ngayo’y Gobernador ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 - kasalukuyan).

Para sa iilan, tila napapanahon na para muling bumalik sa Malakanyang ang mga Marcos. Ilang buwan pa lang nakaupo sa posisyon si Bongbong Marcos, nagpahayag na si Imelda Marcos ng pagsuporta sa anak sa maaaring pagtakbo nito sa halalang pampanguluhan sa 2016 (Inquirer.net, Setyembre 13, 2010). Umuugong na rin ang mga bulong-bulungan para sa isang Presidente Ferdinand Marcos Jr. Ipinoposisyon ni Senador Marcos ang kanyang sarili bilang oposisyon sa kasalukuyang rehimeng Aquino. Tila tinitimpla na rin ni Senador Marcos ang sentimyento ng publiko sa tuwing magbibitiw ito ng mga pahayag na may kinalaman sa administrasyon ng kanyang ama. Matibay siya sa pagtangging nagnakaw ang pamilya Marcos sa kaban ng bayan habang nasa puwesto si Ferdinand Marcos, sa deklarasyong ang gobyerno ng US ang nasa likod ng pagpapatalsik sa puwesto noon ng kanyang ama, at sa pagsasawalang-bahala sa EDSA I. Ani Bongbong Marcos, hindi kayang tanggapin ng pamilya niya ang EDSA I dahil wala itong idinulot na makabuluhang pagbabago (Inquirer.net, Pebrero 22, 2010). Dagdag pa niya,

Has poverty been alleviated? Is the wealth of the country more equitably distributed? Do we have more jobs available at home? Has there been a rise in the quality of our education? Are we self-sufficient in our daily food requirements? Is there less hunger? Crime? Insurgency? Corruption? Basic services? Health? (InterAksyon.com, Pebrero 24, 2010)

Sa forum na ito ay tatalakayin at susuriin ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos sa pambansang pulitika, pati na ang epekto nito sa pagbubuo ng kasaysayan ng batas militar. Partikular na sasagutin sa forum na ito kung ano ang magpapaliwanag sa tagumpay ni Bongbong Marcos noong 2010. Tatalakayin din ang implikasyon ng tagumpay na ito sa pangkalahatang pag-aalaala ng rehimeng Marcos. Maaari bang sabihing may nagaganap na pagwawasto ng kasaysayan? Ito bang kanilang pagwawasto ng kasaysayan ay dahilan o epekto ng mistulang pagkamalimutin o pagkakaroon ng amnesya ng sambayanang Pilipino?


PROGRAMA

1:00 – 1:30
PAGPAPATALA

1:30 – 1:35
PAUNANG PAGBATI
Ricardo T. Jose, PhD
Direktor, Third World Studies Center at
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

1:35 – 1:45
PAGPAPAKILALA NG MGA TAGAPAGSALITA
Ma. Luisa T. Camagay, PhD
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

1:45 – 2:05
Gerardo V. Eusebio
Lektyurer, Departamento ng Agham Pampulitika
De La Salle University at
Dating Campaign Operations Manager
Bongbong Marcos for Senator Movement

2:05 – 2:25
Butch Hernandez
Executive Director
The Eggie Apostol Foundation

2:25 – 2:45
Amado M. Mendoza Jr., PhD
Propesor, Departamento ng Agham Pampulitika
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

2:45 – 3:05
Ferdinand C. Llanes, PhD
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

3:05 – 3:50
TALASTASAN

3:50 – 4:00
PAGLAGOM
Ma. Luisa T. Camagay, PhD
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

Source : http://uptwsc.blogspot.com/2013/10/bonggang-bonggang-bongbong-ang.html