PAGPAPANATILI NG PAGKAKAKAKILANLANG KULTURAL: Pag-aaral tungkol sa mga Boracay Ati sa kanilang Tahanang Islang-Bakasyunan
HANNAH MISHA M. MORILLO
M.A. Psychology (March 2012)
Department of Psychology
Abstract
Bilang isang maliit na isla sa gitnang bahagi ng Pilipinas sa Bisayas, ang isla ng Boracay ay nakakatamasa ng pandaigdigang katanyagan at nagdadala ng lokal at dayuhang turista na nagnanais matuklas ang “pinakamagandang halimbawa” ng dagat sa Pilipinas. Kaya lamang, sa kabila ng karangyaan at kayamanan ng turismo dito, lingid sa kaalaman ng mga dayo ay ang isang grupong katutubo na kilala bilang mga Ati, na nagtataguyod at pinaglalaban ang kanilang Lupaing Ninuno na ipinagkakait sa kanila sa isla. Maaring nakatulong sa ilang kabahuyan ang dulot ng turismo sa isla, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng trabaho at pagbibigay ng oportunidad sa edukasyon. Kaya lamang, mayroong mas malalalim na implikasyon ang pakikipaglaban nila sa kanilang lupa sa pagpapanitili ng pagkakakilanlang kultural ng mga Ati, o ang kanilang Pagka-Ati. Sa pananaliksik na ito mula sa perspektibong sikolohiyang kultutal at katutubong sikolohiya (i.e., Sikolohiyang Pilipino), bibigyang kasagutan at mungkahi ayon sa sariling depenisyon ng grupo kung sino ang mga Ati ng Boracay, ano ang kanilang kasalukuyang kalagayan, at kung paano nila maitataguyod ang kanilang sarili bilang isang katutubong grupo. Upang makapagkalap ng datos, isinagawa ang mga lapit na pakikipagkwentuhan at pagtatanung-tanong, at ang mga katutubong pamamaraan na pakikipanuluyan, pakikipanayam, at ginabayang talakayan.