TUNOG SA PAGDADALUMAT NG “TAGALOG” (1571-1907)

Revision as of 04:05, 23 November 2012 by Iskwiki.admin (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)

LARS RAYMUND CORTUNA UBALDO
Ph.D History (Marso 2009)
Department of History


Abstract


Nakatuon ang pag-aaral na ito sa pangkasaysayang pagpapakahulugan sa “Tagalog” na sumasaklaw mula 1571 hanggang 1907. Sa kabila ng “limitadong” pagtingin sa dalumat ng tagalog sa kasalukuyan, makatuturang balikan at palitawin kung paaano ito nagsimula at nagbagu-bago ang kahulugan nito.


Taga-ilog, katutubo, taal, nativo, indegena, indio, kabilang sa liping Malayo, Filipino/Filipinas-ganito ang mga kahulugan at/o pagpapakahulugang inilalapat sa dalumat na “Tagalog” at “Katagalugan.” Kaugnay ng mga ito ang pagtatakda ng hangganan ng konsepto batay sa kung sino ang lumilikha ng kahulugan at kung ano ang perspektibang kanyang pinanggagalingan.


Batay sa isang pangkat o kamag-anakang naninirahan sa pampang ng ilog na may iisang kalinangan-at-wikang kinabibilangan ang batayan ng taal na dalumat ng taga-ilog. Taga-ilog ang popular na etimolohiyang lumitaw sa maagang panahon ng conquista. Sa kabila nito, isang higit na matandang kataga ang maimumungkahi sa kasalukuyang pag-aaral hinggil sa pinanggalingan ng Tagalog. Ito ay ang katagang álog na isang bahagi ng ilog na mababaw at maaaring tawirin, pagtamnan at kalauna’y maaaring pagtayuan ng mga bahayan. Batay sa panuntunang pangwika, mahirap mapanindigan ang taga-ilog sapagkat ang pagsasanib ng “a” at “i” ay nagdudulot ng diphtounge na “ay” kaya’t ang taga-ilog ay magiging “tagaylog.” Mas mapapanigan ang etimolohiyang taga-álog dahil magagamit ito upang maipaliwanag ang diin at tuldik sa “a” ng pangalawang silaba ng katagang Tagalog dahil sa pagtatagpo ng dalawang “a.” Mangyari pa, kapwa ang etimolohiyang taga-álog at taga-ilog ay nakapaloob sa kalakaran ng “pagpapangalan sa sarili/sa pangkat” batay sa lugar na pinanggagalingan na likas din sa iba’t ibang pangkating etniko sa buong kapuluang Pilipinas.


Sa nagbabagong karanasang historikal pagpasok ng kolonyalismo, ipinataw ng dayo/kolonisador ang kahulughang mula sa labas ng nativo/indigena/indio para tukuyin ang nación o raza na nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan, ang kanilang “nasakop.” Sa iba’t ibang anyo ng pagpapahayag/pagpapakita ng pagtutol at pakikipagtunggali sa “mababa” at “mapangmaliit” na paggamit ng katagang Tagalog ng mga dayuhan, naging adhikain ang muling pagbawi sa orihinal na kahulugan nitong katutubo na may isang marangal na kabihasnan sa nakalipas na panahon. Sa katunayan, katulad ng ipinapakita ng umiiral na kamalayan ng mga ilustrado, lumawak pa ang kahulugan ng Tagalog sapagkat naiugnay ito sa mundong Malayo. Para naman sa mga Anak ng Bayan noong Himagsikan at sa mga nagpatuloy ng adhikaing nito, malinaw sa kanila ang kahulugan ng mas nais gamitin “Haring Bayang Katagalugan” kasabay ng pagtatanghal ng masagana at maginhawa, alalaumbaga’y malayang bayan.


Umuusbong ang iba’t ibang pakahulugan sa dalumat ng Tagalog sa agos ng kasaysayan at ang pinakamahalaga dito ay ang pagtutumbas ng kataga sa tao, lipunan at kalinangang may kakanyahan, may dangal at may kalayaan.