PINTADOS: MGA HUKBONG BISAYA SA ARMADONG EKSPEDISYONG ESPANYOL SA KAPULUANG PILIPINAS, 1565-1898

Revision as of 03:58, 23 November 2012 by Iskwiki.admin (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)

VICENTE CALUBA VILLAN
Ph.D History (October 2009)
Department of History


Abstract


Hindi na mga banyaga ang maituturing na pangunahing puwersang pangkasaysayang humubog ng mga kaganapan sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pag-aaral na gagawin sa kalinangan ng mga Bisayang Pilipino, mauunawaan natin ang kalakasan ng kamalayang-bayang nagbigay-hugis sa mga mahahalagang pangyayaring umugit sa naging tadhana ng kasaysayan sa kapuluang Pilipinas. Kabilang sa malakas at nagpapatuloy na kamalayang-bayang iyon ng mga Bisayang Pilipino ay ang nauukol sa nakitang tradisyong “Pintados” ng mga Espanyol sa Kabisayaan noong ika-16 na siglo at maunlad na kalinangang sa pakikidigma hanggang ika-19 na siglo. Sa pagpapatuloy ng praktika sa kinagisnang gawaing pangangayaw at pangungubat ng mga Pintados, napabilis at napagtibay ang kalakaran sa kolonisasyon sa kapuluang Pilipinas.


Kaugnay nito, masasabing lubhang may katagalan nang pinagpipingkian ng mga dalubhasa, pantas at paham ng disiplina ang ukol sa kasaysayan bilang isang “salaysay na may saysay” para sa isang grupo o kalipunanng mga tao, ang pagtampok partikular sa mahalagang susing terminong “saysay” na nagbigay-halaga upang hagilapin sa mga talang pangkasaysayan ang tunay na “kahulugan”, “katuturan”, at “kabuluhan” ng mga pagsasalaysay ng mga kaganapan sa nakalipas na panahon. Nais na itampok, una ang hinahangad na makahulugang pangyayaring ng mga taong sangkot sa isang partikular na kaganapang nagpaalaala, kung hindi man, nagpapagunita ng kanilang “makasaysayang ugnayan” o relasyon sa isa’t-isa. Samantala, sa ikalawa naman ay ang pagpapalitaw hinggil sa inaapuhap at inaadhikang pangkasaysayang kaalamang maituturing na pakinabang ukol sa isang naratibo o paglalahad ng kasaysayan.


Sa kabilang dako, sa ikatlo ang pagtatampok naman sa inaasam na kagamitan o esensyang pangkasaysayan ang siyang nais na bigyang halaga ang naturang kaisipan na may katuturan sa isang partikular na pangkatin ng tao. Tulad ng pangkaraniwang gamit, sa isasagawang paglalahad pangkasaysayan inaasahang ito ay makakatulong upang unawain ang mga penomenong panlipunan. Naisasagawa ito sa kasalukuyan sa pamamagitan ng masinsing pag-unawa sa konteksto ng kaganapan bilang susi ng mga historiador sa pag-unawang pangkasaysayan. Ang pook pangkaganapang binanggit sa unahan ang nagsisilbing entablado at tuntungan upang maintindihan ang partikular na kalakaran o realidad sa loob ng lipunang ginagalawan.


Sa kabuuan, pagsisikapan sa bahaging ito ng pag-aaral pangkasaysayan ang pag-abot sa ganitong simulaiin ng pagsasalaysay ng makahulugan, makatuturan at makabuluhang paksang inaasahan ng pag-aaral na magtatampok ng ating alaala ukol sa makasaysayang karanasang kolonyal ng mga Bisayang Pilipino mula 1565 hanggang 1898. Ipagugunita sa pagsasakasaysayang gagawin hindi lamang ang tuwiran at makasaysayang pagtatagpo ng mga Bisaya-Espanyol sa espasyong karagatab, pulo-pulo at maduagong-duog (marikita na kapaligiran) kundi maging ang pagsasalubong o pagtatagpo ng matanda at makasaysayan nilang kultura ng pagbabalik ( pagtatu) o batikan (Pintados) sa gitnang Pilipinas. Ang mga itinuturing na maisug nga kabikahan (liping magigiting) at sanay na sanay sa paglulunsad ng kinagigiliwang kinaugaling-mangangayaw (kamalayan sa pangingibang-bayan/pulo oara kaginhawan ng sariling bayan) ay nakipagbuno rin laban sa banyagang kamalayang Espanyol ukol sa reconquista at conquista. Kaakibat at implisitong Gawain ng pangangayaw ang pagsasagawa ng pangungubat (pakikidigma) sa malayong lupain na humarap din pagkaraka sa dala-dalang praktikang entrada para sa pagsasakatupuran ng reduccion ng mga Espanyol sa kapuluan.


Sa pagsasakongkreto ng kalakaran ng pangungubat ng mga Pintados o mga Batikan sa pananaliksik na gagawin ay itutuon at sisikaping patingkarin ang pagbibigay-diin sa larangang ito ng historiograpiya na magpapayaman sa pagpapasakasaysayang tradisyon sa Pilipinas. Ispisipikong tinukoy sa pananaliksik ang larangang sining-biswal na itinuturing ng pag-aaral na susing larangang pangkaalaman ng mayamang bukal ng kalinangan at kamalalayan na siyang magpapayaman at makapagbibigay ng sustansiya ng naratibong historical. Sa daloy ng pananaliksik, titingnan sa unang kabanata ang kontekstong metodolohikal kalakip ang paglatag ng batayang mapanuri at pagsasakabuluhan ng isasagawang pag-aaral.


Samantala, sa una at mga kasunod na kabanata ang pagsisikap na pag-ugnayin ang naturang konteksto sa pangkasaysayang gagawin ng pag-uugnay sa iba pang disiplina upang higit na magkaroon ng buhay ang pag-aaral pangkasaysayan. Magtatampok din ang pananaliksik ng kongkretong halimbawa sa ikalawa hanggang ikalimang kabanata ng salaysay pangkaganapan bilang pagpapatunay sa inilatag na mga argumentong pangkasaysayan na itinampok sa unang kabanata. Dahil sa buong piryod ng kolonisasyong Espanyol ang sinasaklaw ng pag-aaral, inaasahang maging puno ng detalye ang disertasyon na sinadyang ginawa upang hindo lamang maitala sa isang akda ang hiwa-hiwalay na mga datos sa iba’t-ibang nfa batis pangkasaysayan, kundi higit sa lahat upang kongkretong bigyang katibayan ang nawaglit, ngunit napakayamang papel ng Kabisayaan sa paghubog ng pambansang kasaysayan.


Sa huli, maglalaan ang pag-aaral na ito ng kaukulang konkulusyon at rekomendasyon kaugnay sa inilatag na kontekstong metodolohikal at tinatanaw na makabukuhang praksis pangkasaysayan sa kasalukuyang panahon.