UP Buklod-Isip
Ang UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino o UP BUKLOD-ISIP ay isang pang-akademikong organisasyon ng mga mag-aaral ng sikolohiya. Pangunahin sa mga isinusulong nitong samahan ay ang pagtataguyod at pagpapalaganap ng Sikolohiyang Pilipino (SP), isang sikolohiyang sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino, at tumutugon sa mga pangangailangan at adhikain nito; isang sikolohiyang malaya, mapagpalaya, at mapagpabagong-isip.
Dahil naniniwala ang UP BUKLOD-ISIP sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, aktibo itong nakikilahok sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Itong prinsipyo ang gumabay sa UP BUKLOD-ISIP sa pagtatag at patuloy na pagtaguyod sa Buklod CSSP, kasama ang iba pang organisasyon. Kabilang din ang UP BUKLOD-ISIP sa CSSP Academic Circle. Bukod dito, ang Bukluran ay aktibong miyembro ng Tatsulok-PSSP, ang samahan ng mga organisasyong nagtataguyod ng SP mula sa iba't-ibang unibersidad.
Ang Bukluran
Itinatag ang Bukluran noong ika-14 ng Agosto, 1981, ang kakalasan ng mahabang serye ng pagpupulong ng labing-apat na mag-aaral ng sikolohiya sa silid AS 207 ng Kolehiyo ng Agham at Sining, UP Diliman. Ang mga kasapiang tagapagtatag ay halong mga mag-aaral na mayroong ugnayan bukod sa Bukluran, at mag-aaral na walang ibang ugnayan. Ang ilan dito ay nagmula sa hanay ng UP Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan (UP SAMASA) at UP Samahan para sa Agham Pampulitika (UP SAPUL) tulad nina Roberto "Bobby" E. Galvez, Armando "Ding" V. de Jesus, Lourdes Desiree "Daisy" Dominguez-Cembrano, Rolando "Rolly" Ramos, at Ma. Angela "Ging" Agustin. Ang iba ay nanggaling sa samu't-saring mga samahan at organisasyon, tulad nina Susan Warren-Mercado (Tagapangulo ng Delta Pi O), Adonna K. Esleta (Pangalawang Tagapangulo ng UP Psychology Society o UP PsychSoc), Liza Rodriguez-Gonzales (Pangalawang Tagapangulo ng UP PsychSoc noong nakaraang taon), Victoria "Rhea" Cabrera-Ribaya, Ma. Socorro "Cookie" Quepo (Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS), at Dennis Batangan (kasapi ng UP PsychSoc). Ang mga natitira, sina Bunny Pangalangan (na nagtapos sa Oktubre ng taong iyon), Jocelyn "Joy" Jimenez-Taccad at Enrico "Eric" Enriquez Alejo, ay walang ibang mga ugnayan. Si Dr. Virgilio Enriquez naging unang Gurong Tagapayo ng Bukluran.
Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang ng Bukluran ang ika-30 anibersaryo nito. Ang punong himpilan nito ay matatagpuan sa East Wing, Palma Hall.
Preyambolo
Kami, ang mga mag-aaral ng sikolohiya na naniniwala sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, na naglalayong magtatag ng isang buklurang magpapalaganap ng isang Sikolohiyang sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino, at tumutugon higit sa lahat sa pangangailangan at interes ng masang Pilipino, ay taos-pusong nagpapatibay at nagtataguyod ng saligang batas na ito.
Ang Pamunuan ng Bukluran
Lupong Tagapagpaganap 1981 - 1982
- Tagapangulo: Roberto “Bobby” E. Galvez
- Pangkalahatang Kalihim / Direktor ng Lupon ng Kasapian: Adonna K. Esleta / Ma. Angela "Ging" Agustin
- Direktor ng Lupon ng Pag-aaral at Pananaliksik: Dennis B. Batangan
- Direktor ng Lupon ng Ugnayang-Panlabas: Lourdes Desiree “Daisy” Dominguez
- Direktor ng Lupon ng Gawaing-Pangkalinangan: Rolando "Roly" Ramos
- Direktor ng Lupon ng Pananalapi: Enrico "Eric" Enriquez Alejo
- Direktor ng Lupon ng Paglalathala at Publisidad: Victoria "Rhea" Cabrera
Gurong Tagapayo: Dr. Virgilio G. Enriquez
Lupong Tagapagpaganap 2011 - 2012
- Bos Tsip-Tsip: Viktor Andre Fumar
- Lupon ng Kasapian (LuKas) Bos Tsip: Katerina Mae Livelo
- Lupon ng Pag-aaral at Pananaliksik (LuPag) Bos Tsip: Paulina Monique Sahagun
- Lupon ng Ugnayang Panlabas (LupUs) Bos Tsip: Allen Dominic Yu
- Lupon ng Gawaing Pangkalinangan (LuGaw) Bos Tsip: Feliza May Garin
- Lupon ng Pananalapi (LuPan) Bos Tsip: Jose Fidel Ramiro
- Lupon ng Paglalathala't Publisidad (LuPaP) Bos Tsip: Pia Angelica Vega
- Lupon ng Aklatan (LupAk) Bos Tsip: Prima Ester Medina
- Ang Daluyan Bos Tsip: Kevin Michael Moalong
Gurong Tagapayo: Bb. Cherrie Joy Billedo
Mga Gawain
- Lingap Kamay: Medical Missions at Teach-Ins
- Sayawitsan: Cultural Night
- Paglubog (Immersion)
- Pang-akademikong Komperensya
- Paper-sharing
- Discussion Groups
- Pagtulong sa mga Pag-aaral sa Sikolohiya
- Paglilimbag ng mga Pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino
- SP Workshops
- SP Exhibits
- Exposure Trips
- Tsibugang Pinoy: Pinoy Eating Contest
- Gabi ng Anibersaryo
Sikolohiyang Malaya at Mapagpalaya
Titik: Armando "Ding" De Jesus
Musika: Rainier Reyes
Mistulang pangarap ang isang hangarin
Na walang pag-asang hagilapin
Ng isipang pinilit talian
Ng isipang pinilit gapusan
Mistulang panaginip, malimit lumapit
Kabuluhan, kabuluhan, iginigiit
Subalit buong lakas na sinasaghan
Ng isipang gapos sa masikip na kulungan
Mukha'y tinatakpan, habang damdami'y sinisilaban
Ng mga katanungang 'di matakasan
Nasaan ang sikolohiyang sinasamo
Ang sikolohiyang walang pagbabalat-kayo?
Kaya't halina, mga kasama
Tapusin na ang pag-iisa
Panaginip mo'y gawing katotohanan
Pangarap mo'y makakamtan
Halina, mga kasama
Isipa'y hayaang lumaya
Sikolohiya'y gawing malaya
Sikolohiya'y gawing mapagpalaya
Halina, mga kasama
Lahat tayo'y magbukluran na
Hangarin mo'y hangarin ko
Tagumpay mo'y tagumpay ko!
Gabay sa Pagsali sa Bukluran
Mga ilang gampanin para sa isang matagumpay na aplikasyon sa UP BUKLOD-ISIP:
- Attendance – Ito ay tumutukoy sa pagpunta sa mga iba't ibang gawain ng Bukluran. Ang bawat aktibidad na mapupuntahan ay may karampatang puntos.
- Sigsheet – Dito pinapapirma ng aplikante ang mga miyembro at alumni ng Bukluran upang sila’y magkakilala. Dito rin matatagpuan ang mga pahina para sa 'Buddy Write-up' at 'Attendance'.
- SP Requirements – Ito ang iba’t ibang mga workshop at iba pang mga aktibidad na ginagawa upang mas maunawaan ng aplikante ang SP.
- Expo Trip - Isang aktibidad na ginaganap sa kalagitnaan ng proseso ng aplikasyon upang mapakilala ang SP bilang isang konseptong makikita sa ibang konteksto at hindi lamang nakapaloob sa silid-aralan.
- Buddy Date – Ito ay pagkakataon para mas makilala ng mag-buddy na aplikante at miyembro ng Bukluran ang isa’t isa.
- Interview – Ito ay nagaganap sa bandang huli ng aplikasyon para malaman kung anu-ano ang mga natutunan ng bawat aplikante tungkol sa SP at sa Bukluran mula sa buong proseso ng aplikasyon.
Mga Ugnayan
- UP ALYANSA
- BUKLOD CSSP
- UP Psychedelics
- CSSP Academic Circle
- Tatsulok PSSP
- Students Pavilions Team (SPT)