UP Buklod-Isip

From Iskomunidad
UP Buklod-Isip logo
Ang kasalukuyang logo ng UP BUKLOD-ISIP.

Ang UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino o UP BUKLOD-ISIP ay isang pang-akademikong oragnisasyon ng mga mag-aaral ng sikolohiya. Pangunahin sa mga isinusulong ng aming samahan ay ang pagtataguyod at pagpapalaganap ng Sikolohiyang Pilipino (SP), isang sikolohiyang tunay na sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino at sa gayo'y tunay ding tumutugon sa mga pangangailangan at adhikain nito. Ito'y isang sikolohiyang malaya, mapagpalaya at mapagpabagong-isip.

Dahil naniniwala ang UP BUKLOD-ISIP sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, aktibo itong nakikilahok sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Itinataguyod nito ang pagsasakapangyarihan o empowerment bilang pinakamabisang paraan ng pagtugon sa pangangailangan nating mga Pilipino. Ang mga prinsipyong nabanggit ang siyang gabay ng UP Buklod-Isip sa pagtatag at patuloy na pagtaguyod sa Buklod CSSP, kasama ang iba pang organisasyon. Kabilang din ang BUKLOD-ISIP sa CSSP Academic Circle. Bukod dito, ang Bukluran ay aktibong miyembro ng Tatsulok-PSSP, ang samahan ng mga organisasyong nagtataguyod ng SP mula sa iba't ibang unibersidad.

Ang Bukluran

Itinatag ang Bukluran noong ika-14 ng Agosto, 1981, ang kakalasan ng mahabang serye ng pagpupulong ng labing-apat na mag-aaral ng sikolohiya sa silid AS 207 ng Kolehiyo ng Agham at Sining, UP Diliman. Ang mga kasapiang tagapagtatag ay halong mga mag-aaral na mayroong ugnayan bukod sa Bukluran, at mag-aaral na walang ibang ugnayan. Ang ilan dito ay nagmula sa hanay ng UP Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan (UP SAMASA) at UP Samahan para sa Agham Pampulitika (UP SAPUL) tulad nina Roberto "Bobby" E. Galvez, Armando "Ding" V. de Jesus, Lourdes Desiree "Daisy" Dominguez-Cembrano, Rolando "Rolly" Ramos, at Ma. Angela "Ging" Agustin. Ang iba ay nanggaling sa samu't-saring mga samahan at organisasyon, tulad nina Susan Warren-Mercado (Tagapangulo ng Delta Pi O), Adonna K. Esleta (Pangalawang Tagapangulo ng UP Psychology Society o UP PSYCHSOC), Liza Rodriguez-Gonzales (tagapamuno rin ng UP PSYCHSOC), Victoria "Rhea" Cabrera-Ribaya, Ma. Socorro "Cookie" Quepo (Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS). Ang mga natitira, sina Dennis Batangan, Bunny Pangalangan (na nagtapos sa Oktubre ng taong iyon), Joy Jimenez-Taccad at Eric Enriquez Alejo, ay walang ibang mga ugnayan. Si Dr. Virgilio Enriquez naging unang Gurong Tagapayo ng Bukluran.

Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang ng Bukluran ang ika-30 anibersaryo nito. Ang punong himpilan nito ay matatagpuan sa East Wing, Palma Hall.

Preyambolo

Kami, ang mga mag-aaral ng sikolohiya na naniniwala sa mahalagang papel ng sikolohiya sa pagsusuri at pagbabago ng lipunan, na naglalayong magtatag ng isang buklurang magpapalaganap ng isang Sikolohiyang sumasalamin sa diwa ng sambayanang Pilipino, at tumutugon higit sa lahat sa pangangailangan at interes ng masang Pilipino, ay taos-pusong nagpapatibay at nagtataguyod ng saligang batas na ito.

Ang Pamunuan ng Bukluran

Lupong Tagapagpaganap 1981 - 1982

  • Tagapangulo: Roberto “Bobby” E. Galvez
  • Pangalawang Tagapangulo/Tagapangulo ng Komiteng Pangkasapi: Adonna K. Esleta / Ma. Angela "Ging" Agustin
  • Tagapangulo ng Komiteng Pang-akademiko: Dennis B. Batangan
  • Tagapangulo ng Komiteng Pananalapi: Eric Enriquez Alejo
  • Tagapangulo ng Komiteng Panlabas: Lourdes Desiree “Daisy” Dominguez[-Cembrano]
  • Tagapangulo ng Komiteng Pampublikasyon: Victoria "Rhea" Cabrera[-Ribaya]
  • Tagapangulo ng Komiteng Pangkultural: Rolando "Rolly" Ramos

Gurong Tagapayo: Virgilio G. Enriquez


Lupong Tagapagpaganap 2011 - 2012

  • Bos Tsip-Tsip: Viktor Andre Fumar
  • Lupon ng Kasapian (LuKas) Bos Tsip: Katerina Mae Livelo
  • Lupon ng Pag-aaral at Pananaliksik (LuPag) Bos Tsip: Paulina Monique Sahagun
  • Lupon ng Ugnayang Panlabas (LupUs) Bos Tsip: Allen Dominic Yu
  • Lupon ng Gawaing Pangkalinangan (LuGaw) Bos Tsip: Feliza May Garin
  • Lupon ng Pananalapi (LuPan) Bos Tsip: Jose Fidel Ramiro
  • Lupon ng Paglalathala't Publisidad (LuPaP) Bos Tsip: Pia Angelica Vega
  • Lupon ng Aklatan (LupAk) Bos Tsip: Prima Ester Medina
  • Ang Daluyan Bos Tsip: Kevin Michael Moalong

Gurong Tagapayo: Bb. Cherrie Joy Billedo


Mga Gawain

  • Lingap Kamay: Medical Missions at Teach-Ins
  • Sayawitsan: Cultural Night
  • Paglubog (Immersion)
  • Pang-akademikong Komperensya
  • Paper-sharing
  • Discussion Groups
  • Pagtulong sa mga Pag-aaral sa Sikolohiya
  • Paglilimbag ng mga Pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino
  • SP Workshops
  • SP Exhibits
  • Exposure Trips
  • Tsibugang Pinoy: Pinoy Eating Contest
  • Gabi ng Anibersaryo

Sikolohiyang Malaya at Mapagpalaya

Titik: Armando "Ding" De Jesus

Musika: Rainier Reyes

Mistulang pangarap ang isang hangarin
Na walang pag-asang hagilapin
Ng isipang pinilit talian
Ng isipang pinilit gapusan

Mistulang panaginip, malimit lumapit
Kabuluhan, kabuluhan, iginigiit
Subalit buong lakas na sinasaghan
Ng isipang gapos sa masikip na kulungan

Mukha'y tinatakpan, habang damdami'y sinisilaban
Ng mga katanungang 'di matakasan
Nasaan ang sikolohiyang sinasamo
Ang sikolohiyang walang pagbabalat-kayo?

Kaya't halina, mga kasama
Tapusin na ang pag-iisa
Panaginip mo'y gawing katotohanan
Pangarap mo'y makakamtan

Halina, mga kasama
Isipa'y hayaang lumaya
Sikolohiya'y gawing malaya
Sikolohiya'y gawing mapagpalaya

Halina, mga kasama
Lahat tayo'y magbukluran na
Hangarin mo'y hangarin ko
Tagumpay mo'y tagumpay ko!

Mga Ugnayan

See Also